_ngayon
^
Panukalang pagtatanim ng 2 puno kada graduating student, magulang pasado sa Kamara

Panukalang pagtatanim ng 2 puno kada graduating student, magulang pasado sa Kamara

James Relativo (Philstar.com) - August 26, 2020 - 7:21pm

MANILA, Philippines — Dalawang panukalang batas para sa "reforestation" efforts ng gobyerno ang sabay na pinalusot ng House of the Representatives, bagay na mag-oobliga sa mga estudyante't mga magulang na magtanim nang mas maraming puno.

Miyerkules nang kumpirmahin ng Kamara ang pagpasa sa House Bills 6930 at 6931, para itakda ang mga sumusunod na "civic duties" para sa environmental protection at preservation.

Sa botong 222-0-0, oobligahing magtanim ng dalawang puno ang mga magulang sa kada isang anak na palalakihin. Ibig sabihin, anim na puno ang dapat nilang itanim kung tatlo ang kanilang magiging supling.

Oras na maging batas, kikilalanin 'yan bilang "Family Tree Planting Act" ng gobyerno.

Ganito rin naman halos ang nilalaman ng kahalintulad na panukalang batas na HB 6931, na mas tumutugon naman sa responsibilidad ng kabataan sa pagtatanim ng puno.

"Voting 224-0-0, House approves on third and final reading HB 6931, requiring all graduating senior high school and college students to plant two trees each as a civic duty for environment protection and preservation," wika ng Kamara sa Twitter.

Kikilalanin naman itong "Graduation Legacy For Reforestation Act" kung tuluyang maisasabatas.

Kung papasa rin sa Senado at mapipirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte, hindi ito ang unang dalawang batas na mag-oobliga sa mga mamamayang Pilipino na magtanim ng puno bilang bahagi ng kanilang responsibilidad.

Sa Section 8 ng Republic Act 10176, inuutusan ng estado ang sumusunod: "All able-bodied citizens of the Philippines, who are at least twelve (12) years of age, shall be required to plant one (1) tree every year."

Isyu ng 'invasive trees'

Ikinatuwa ng maraming netizens ang pagkakapasa ng HB 6930 at 6931. Gayunpaman, may ilang agam-agam ang mga nabanggit hinggil sa magiging epekto nito sa aktwal.

"Please stop planting invasive species for these projects. You're doing more harm to our environment though you have good intentions," wika ng commenter na si Prince Jowert Ramil Huerta sa comments section ng The STAR.

Ayon sa United States Department of Agriculture, tumutukoy ang mga "invasive plants" sa mga halamang hindi natural na matatagpuan sa isang ecosystem. Dahil diyan, nakapagdudulot ito ng masamang epekto sa kalikasan, ekonomiya at minsan kalusugan ng tao.

Ilan sa mga kinikilala bilang invasive alien species (IAS) sa Pilipinas ay ang punong "mahogany," dahilan para i-ban ito ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa kanilang reforestation projects.

Mungkahi naman ng netizen na si Jheff Roderick Villacarlos sa paskil ng News5, dapat magpatupad nang mas mahihigpit na polisiya ang mga mambabatas upang mapigilan ang iligal na pagputol ng puno. Pangamba kasi niya, maaaring tanim nang tanim ang pubkliko ngunit papayagan naman ang walang habas na pagtrotroso. — James Relativo at may mga ulat mula sa News5 at The STAR

FAMILY TREE PLANTING ACT REFORESTATION TREE PLANTING
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with