Martial law inirekomenda ng Army matapos ang mga pagsabog sa Sulu
Kinordonan ng Philippine National Police (PNP) at mga sundalo ang pinangyarihan ng pagsabog kahapon, ika-24 ng Agosto, sa Jolo, Sulu na ikinamatay nang hindi bababa sa 14 katao at ikinasugat ng 76 iba pa
AFP/Nickee Butlangan
Martial law inirekomenda ng Army matapos ang mga pagsabog sa Sulu
James Relativo (Philstar.com) - August 25, 2020 - 1:33pm

MANILA, Philippines — Iminumungkahi ngayon ng hepe ng Philippine Army ang panunumbalik ng batas militar sa probinsya ng Sulu matapos ang magkasunod na pagpapasabog kahapon na ikinamatay at ikinasugat nang maraming tao.

Umabot na sa 14 ang namamatay habang 76 ang sugatan sa nasabing insidente sa Baranggay Walled, Plaza Rizal sa Jolo, Sulu kahapon nang 11:55 a.m. Sinundan ito ng ikalawang pagsabog sa kabilang kalsada kinahapunan.

"Kung natatandaan natin noong dineklara ng ating pangulo 'yung martial law ay behaved 'yung mga tao," wika ni Army chief Lt. Gen. Cirilito Sobejana sa isang panayam sa radyo.

"So siguro it's high time na ibalik po natin, if I may respectfully recommend to our president, through our chief of staff and Secretary of National Defense, na kung maibalik o maideklara muli na martial law doon... sa probinsiya ng Sulu dahil sa recent bombing incident na nangyari."

Sambit pa ni Sobejana, isang babaeng Indones ang isa sa mga nasa likod ng krimen sa pamamagitan ng "suicide bombing." Pinag-aaralan pa nila kung asawa siya ni Norman Lasuca, na tinukoy bilang ang unang nagpasabog kahapon.

Huling nagdeklara ng martial law sa buong Mindanao noong Mayo 2017, kasunod ng mga atakeng ginawa ng mga teroristang Maute Group at Abu Sayaff sa Marawi City sa Lanao del Sur. Natapos lang ang batas militar sa lugar noong ika-31 ng Disyembre, 2019 — halos dalawang taon matapos "mapalaya" sa terorismo ang lungsod.

Matatandaan na may sumabog na bomba sa Cathedral of Our Lady of Mount Carmel sa Jolo noon Enero ng 2019 noong nasa ilalim pa ng martial law ang buong Mindanao. Ayon sa ulat ng MindaNews sa pagsabog, hinigpitan pa nga ang seguridad sa probinsiya noong Disyembre 2018 noong bumisita si Pangulong Rodrigo Duterte doon.

Ayon sa Palasyo pagkatapos ang pagsabog sa Jolo noong 2019, maaring mas magulo pa raw kung walang batas militar sa Mindanao.

"The fact alone that there is only one incident of bombing for the last … how many, one year plus? That means martial is effective. Can you imagine how many bombings there would have been if there was no martial law there in operation?" sabi ni presidential spokesperson Salvador Panelo.

Ayon kay Sobejana ngayong Martes, mainam na maibaba ito kasabay ng pagpapatupad ng kontrobersyal na Anti-Terrorism Act of 2020 kahit pinapalagan ito ngayon nang lagpas 20 grupo sa Korte Suprema.

Banat ng mga grupo, maaari raw kasing puntiryahin ng anti-terror law maging ang mga legitimong kritiko ng gobyerno na hindi terorista.

Basahin: Ano ang 'Anti-Terror Bill' at bakit may mga tutol dito?

'Walang batayan sa martial law'

Ayon naman kay Renato Reyes Jr., secretary-general ng Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN), walang dahilan para magdeklara ng martial law sa Sulu lalo na't "last resort" ito dapat ng pamahalaan at gumagana pa rin naman daw ang gobyerno roon sa ngayon.

"There is no legal basis for Martial Law as there is no invasion or rebellion. The civilian government appears to still be able to function," ani Reyes sa panayam PSN.

"What happened was a bomb attack by a supposed terrorist group. Martial law should be a last resort and only when the constitutional requirements are present."

Dagdag pa ng lider-militante, mainam na imbestigahan ang aniya'y kinalaman ng apat na Army intel operatives sa nasabing bomb attack.

Kahapon nang sabihin ni Maj. Gen. Corleto Vinluan Jr., hepe ng Western Mindanao Command, na maaaring kadugo ng ilang miyembro ng Philippine National Police (PNP) na pumatay sa apat military intelligence kamakailan sa Abu Sayyaff.

May kaugnayan: 4 na sundalo patay nang barilin ng PNP sa Sulu; AFP tumangging may engkwentro

"Posible 'yon... dahil halos magkakamag-anak naman sa Sulu," sabi ni Vinluan kahapon sa Senado.

"May mga ASG (Abu Sayyaf Group) na may kamag-anak na pulis, and then may MNLF (Moro National Liberation Front) naman na kamag-anak 'yung pulis, dahil maliit lang naman ang Sulu."

Nananawagan naman ngayon si Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate na agad mapanagot ang mga nasa likod ng nangyari sa Jolo.

Sabi pa ni Zarate, isa raw sa mga teroristang tinutunton ng mga napatay na Army intelligence ang nagpasabog sa Jolo.

"It can be seen that the AFP can track down and apprehend bombers or terrorists without the terror law. If not for the in fighting of the AFP and the PNP then the bombers would have been caught," sabi ng progresibong mambabatas.

"This event is condemnable and atrocious but this should not be used to justify the unconstitutional terror law."

BAGONG ALYANSANG MAKABAYAN BAYAN MUNA PARTY-LIST JOLO MARTIAL LAW MINDANAO PHILIPPINE ARMY SULU TERRORISM
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with