^
KMU kay Duterte: Health workers, hindi pulis, ang dapat mag-'contact tracing'
Litrato ng mga pulis sa kalye ng Galicia, Bangkulasi, Lungsod ng Navotas noong ika-14 ng Hulyo, 2020
The STAR/Michael Varcas, File

KMU kay Duterte: Health workers, hindi pulis, ang dapat mag-'contact tracing'

James Relativo (Philstar.com) - August 11, 2020 - 7:39pm

MANILA, Philippines — Pinalagan ng mga militanteng labor center ang utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na tumulong ang Philippine National Police (PNP) sa pagtunton sa mga nakasalamuha ng mga kumpirmadong kaso ng coronavirus disease (COVID-19).

Ika-10 ng Agosto kasi nang sabihin ni Duterte na kinukulang ng pondo ang local government units (LGUs) na magtungo sa mga komunidad, dahilan para pagamitin niya ang mga mobile ng pulis habang isinasagawa ang mga operasyon.

"Doon sila [contact tracers] sumakay. Ihatid sila ng pulis doon sa boundary. Beyond that, ibang pulis na naman ang magsasalo sa kanila para hanapin ‘yung tao. Because the police have the — the resources there pati ‘yung barangay captains na malaman nila kung saan ito nakatira," wika ni Duterte.

Aniya ito raw ang pinakamabilis na paraan para ma-trace ang mga nakasalamuha ng COVID-19 patients: "[T]he police has to sacrifice and contribute to the solution of the problem now."

Pero ayon kay Jerome Adonis, secretary general ng Kilusang Mayo Uno (KMU), 

"Aanhin mo ang baril sa komunidad na tinamaan ng COVID? Totokhangin ba nila ang mga tao?" pagkwekwestyon ni Adonis sa panukala ni Digong kagabi.

"Lalong lumalabas ang tunay na kulay ng pulis, militar at amo nilang si Duterte."

Hulyo lang nang sabihin ni Interior Secretary Eduardo Año na sasama ang PNP sa limitado nitong kapasidad na ipatupad ng mga LGU ang "Oplan Kalinga," bagay na  kukuha at magdadala ng mga asymptomatic at mild COVID-19 cases na nagpapagaling sa bahay sa mga treatment facilities.

Umani ng batikos ang pahayag na 'yan ni Año sa dahilang "pamamaslang ng drug suspects" diumano ang gawi ng PNP nang huling gawin ang pagbabahay-bahay.

Basahin: Pulis, LGU 'magbabahay-bahay' na para damputin ang COVID-19 patients

May kaugnayan: Roque: Walang house-to-house ang PNP pero COVID-19 patients sa bahay kukunin

Panawagan tuloy nina Adonis, nawa'y igiit ng mga manggagawang pangkalusugan ang kanilang karapatan na mamuno sa contact tracing procedures nang walang pakikialam ng mga armadong pwersa.

Ika-5 ng Agosto lang nang unang sabihin ni presidential spokesperson Harry Roque na susundan ng Malacañang ang ehemplo ni Baguio Mayor Benjamin Magalong sa paggamit ng pulis sa contact tracing.

"Mayor Magalong did not have to recruit additional personnel. He's using actually the [Philippine National Police] for contact tracing, which is something that we will also implement here," ani Roque noong nakaraang linggo.

Matatandaang sinabi ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na dapat nagtapos ng bachelor’s degree ng "allied medical courses," health-related courses o criminology ang mga nais maging contact tracer.

Hindi lahat ng pulis ay nagtatapos ng kursong criminology, lalo na't ang iba sa kanila ay nagtapos sa mga military schools tulad ng Philippine Military Academy (PMA).

Panakot sa mga kritiko ng pandemic response?

Pangamba ng KMU, tila pinalalakas daw ng presidente ang presensya ng pulis at militar sa kalsada at mga komunidad upang "takutin" ang mga dismayado sa COVID-19 response ng gobyerno.

Maaari rin aniya maabuso ng PNP ang kanilang kapangyarihan oras na italaga sa mga gawaing pangsibilyan lalo na't sinabi na noon ni Digong na "full support" siya sa mga haharaping kaso ng pulis basta't gumagampan ng trabaho.

May kaugnayan: Duterte to PNP: Kill 1,000, I’ll protect you

Binanatan din nina Adonis ang pahayag ni Año noong nakaraan na nagsasabing sagabal sa contact tracing efforts ng gobyerno ang Data Privacy Act, lalo na't hindi nito pinapayagan ang bara-barang pagsisiwalat ng mga impormasyon.

"Ang gusto ata ni Año, maging surveillance state tayo na walang kalayaan... Ang sabihin niyo, kaya di niyo magawa ‘yan dahil mali ang framework niyo! Militarista kasi kayo," panapos ni Adonis.

CONTACT TRACING KILUSANG MAYO UNO NOVEL CORONAVIRUS PHILIPPINE NATIONAL POLICE RODRIGO DUTERTE
Philstar
  • Latest
Latest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with