Makikitang umaaligid ang mga pulis na ito sa Galicia St. sa baranggay Bangkulasi, Navotas noong ika-14 ng Hulyo, 2020 matapos ilagay sa lockdown ang kalye mula pa noong Biyernes dulot ng pagkakatala ng 32 COVID-19 cases
The STAR/Michael Varcas
COVID-19 cases sa Pilipinas sumipa sa 61,266 matapos madagdagan nang 2,498
James Relativo (Philstar.com) - July 16, 2020 - 10:49am

MANILA, Philippines (Update 1, 5:40 p.m.) — Ayaw pa ring paawat sa pagkalat ng coronavirus disease (COVID-19), sa unang araw nang muling pagpapalawig ng general community quarantine (GCQ) sa Metro Manila.

Ayon sa huling tala ng Department of Health (DOH), pumapatak na sa 61,266 ang kumpirmadong nahawaan ng COVID-19 sa Pilipinas. Nadagdagan kasi ito nang 2,498, malapit sa single-day record-high na 2,539.

"Sa mga newly reported cases, meron tayong 1,246 fresh cases, at 1,252 late cases," paliwanag ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire sa isang virtual briefing.

"Ang mga kasong iniulat natin ngayong araw ay mula sa submissions ng 71 out of 84 licensed laboratories."

Napirmi naman sa 38,183 ang aktibo sa mga kasong 'yan, na nangangahulugang hindi pa sila gumagaling o nasasawi sa virus.

Sa mga bagong kasong na-ireport, nagmula sa mga sumusunod ang may pinakamaraming kaso:

  • National Capital Region (1,886)
  • Cebu (198)
  • Cavite (57)
  • Davao del Sur (44)
  • Laguna (44)

Kasalukuyan namang tinutugunan ng mga lokal na pamahalaan ang Region 6 o Western Visayas, na dumaranas na ng community transmission sa ngayon.

Samantala, hindi naman pinalad ang 29 iba pa na dinapuan ng sakit. Sumatutal, 1,643 na ang namamatay mula sa COVID-19 sa Pilipinas.

"Sa mga deaths na ito, 16 po ang galing sa Region 7, siyam ang galing sa [NCR], tatlo po ang galing sa Region 11 at isa ang galing sa CARAGA," dagdag pa ni Vergeire.

Gayunpaman, magaling na mula sa nasabing contagion ang 21,440 katao. Mas marami 'yan nang 467 kumpara sa datos ng DOH kahapon.

Kaugnay niyan, pinag-iingat pa rin ni Vergeire ang mga dati nang gumaling mula sa COVID-19, sa dahilang wala pa raw pruweba na makapagsasabing hindi na sila mare-reinfect. 'Yan ay kahit na meron na silang "antibodies" sa katawan.

Kahapon lang nang maging tampulan uli ng kontrobersiya si Health Secretary Francisco Duque III, pagkaraan niyang sabihing "napatag" na ng Pilipinas ang kurba ng COVID-19 infections sa bansa mula pa noong Abril.

Umani ito nang batikos matapos ang sunud-sunod na araw na libo ang naidadagdag sa daily tally ng virus sa bansa. Klinaro naman ito agad ni Duque at sinabing "napakurba" ito ngunit natigil ito nang luwagan ang quarantine restrictions.

Itinanggi naman ni presidential spokesperson Harry Roque na napagalitan si Duque dahil sa "sablay" na ito.

"Wala pong pagsabon na nangyari," ani Roque.

Bagama't hindi pa rin nahihinto ang pagdami ng mga kaso sa Pilipinas, kagabi lang nang igiit ni Education Secretary Leonor Briones na tuloy ang pagbubukas ng mga klase sa ika-24 ng Agosto, anumang porma ang gamitin nito.

Pinag-aaralan na rin nila aniya ng Commission on Higher Education ang posibilidad na paglulunsad ng limitadong face-to-frace classes sa mga low-risk modified GCQ areas, kung saan higit na mas mababa ang transmission ng virus.

Nasa 13.28 milyon na ang nahahawaan ng COVID-19 sa buong mundo, ayon sa pinakahuling tala ng World Health Organization (WHO). Sa bilang na 'yan, 578,110 na ang binabawian ng buhay. — may mga ulat mula kay The STAR/Alexis Romero

Related video:

DEPARTMENT OF HEALTH NOVEL CORONAVIRUS
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with