^

Bansa

'Hindi gawaing diktador': Malacañang dinepensahan ang pagkawala ng ABS-CBN franchise

James Relativo - Philstar.com
'Hindi gawaing diktador': Malacañang dinepensahan ang pagkawala ng ABS-CBN franchise
May hawak na kandila ang lalaking ito, ika-10 ng Hulyo, kasama ang mga empleyado't tagasuporta ng ABS-CBN matapos hindi maaprubahan ang hiling na 25-year franchise renewal, bagay na binabastikos ngayon bilang atake sa malayang pamamahayag.
The STAR/Miguel de Guzman

MANILA, Philippines — Muling idiniin ng Palasyo na "hindi" kontra o pabor si Pangulong Rodrigo Duterte sa hindi pagpagpapanibago sa prangkisa ng ABS-CBN, bagay na dumaan naman diumano sa tamang proseso sa House of Representatives. 

'Yan ang sinabi ni presidential spokesperson Harry Roque, Lunes, matapos tanungin ng media kung "gawain ng isang diktador" ang kinasapitan ng Kapamilya Network — na may kasaysayan ng iringan kay Pangulong Rodrigo Duterte.

"With all due respect, we disagree, but we do so vehemently," paliwanag ni Roque sa isang virtual briefing.

"Alam po natin na ang nangyari doon sa panahon ng Martial Law, may prangkisa po, ipinasara. Pero ang nangyari po ngayon, napaso ang prangkisa, hindi po na-renew."

Biyernes nang bumoto ang 70 miyembro ng House Committee on Legislative Franchises para hindi ma-renew ang prangkisa ng media giant, malayo sa 11 na bumoto pabor dito.

Basahin: Kamara ibinasura ang ABS-CBN franchise renewal

Tinutulan naman ni Vice President Leni Robredo ang desisyon ng mga mambabatas, lalo na't nagsilbing aral na raw sana ang kasaysayan ng Batas Militar sa ilalim ni dating Pangulong Ferdinand Marcos.

"Akala ko noong tayo ay lumaban sa diktador ay natuto na tayo ng mga leksyon. Pero nauulit ang kasaysayan—iyong aral mauulit din," ani Robredo noong Linggo sa lingguhang radio show na BISErbisyong Leni.

Ika-23 ng Setyembre, 1972 nang hulihing mawala sa ere ang ABS-CBN kasunod ng deklarasyon ng Martial Law, bagay na naulit noong ika-5 ng Mayo, 2020 matapos mapaso ang huli nilang legislative franchise matapos hindi aksyunan ng Kamara ang mahigit 12 panukalang batas na magre-renew sana rito.

Pero giit ni Roque, malayo ang katotohanan mula sa sinasabi ng ikalawang pangulo: "We beg to differ with due respect to the vice president," sabi pa niya

"Alam ko po na ang sinasabi nila na ang isyu na ito ay karapatan ng malayang pamamahayag. Pero kapag ang pamamahayag po ay nakadepende sa prangkisa, kinakailangan masunod din ang probisyon ng konstitusyon na dapat merong prangkisa na galing sa Mababang Kapulungan."

Kanina lang nang maglabas ng pahayag ang halos 600 journalists sa pagsasapeligro ng Kamara sa hanap-buhay ng 11,000 katao. Pinaratangan din nilang "paghihiganti" (vendetta) ito ng administrasyon.

May kaugnayan: Halos 600 media workers sanib-pwersa vs 'malupit' na desisyon sa ABS-CBN franchise

Taong 2018 nang sabihin ni Digong na hindi niya ire-renew ang prangkisa ng kumpanya kung siya ang masusunod: "Now, ABS-CBN, their franchise is due for renewal... But I will never also intervene. But if I had my way, I will not give it back to you," sabi niya.

Kaalyado ng presidente ang karamihan ng mga konggresista sa Kamara (super majority), at may kasaysayan ng mahigpit na pagsunod sa mga legislative priorities ni Duterte.

Pero depensa ni Roque, napatawad na ni Duterte ang network lalo na noong humingi ng tawad si ABS-CBN chief executive officer (CEO) Carlo Katigbak kaugnay ng hindi pag-ere ng ilang patalastas ng pangulo para sa 2016 presidential campaign.

Cayetano: Hindi ipinasara ng gobyerno ang ABS-CBN

Sa kabila ng mga paratang ng media at human rights groups, ipinipilit ng pamunuan ng Kamara na "walang" kamay ang gobyerno sa pagpapasara ng pinakamalaking broadcasting company sa Pilipinas.

"It wasn’t the government who shut ABS-CBN down, rather it was their owners’ playing fast and loose with our laws in the past decades, that made the shutdown inevitable," sabi ni House Speaker Alan Peter Cayetano, na tumakbong bise presidente ni Duterte noong 2016.

Ayon kay Cayetano, "may mali" diumano sa pagbabayad ng buwis ng ABS-CBN. Mula 2017 hanggang 2019 daw kasi, P563 milyon lang daw kasi ang tax na binayad ng kumpanya kumpara sa P3.13 bilyong binayaran ng karibal na GMA-7 sa parehong panahon.

"[It] makes it crystal clear that something has gone terribly wrong with the system. This despite ABS-CBN being a bigger company that usually has bigger annual income than GMA," sabi niya.

'Yan ang kanyang ibinulalas kahit na sinabi ni Arnel Guballa, deputy commissioner at the Bureau of Internal Revenue (BIR), na walang nakabinbing tax case ang kumpanya.

Sabi pa ng House leader, 'wag din daw sana gamitin ng publiko ang kalayaan sa pamamahayag kaugnay ng kinasapitan ABS-CBN: "We simply put an end to the privilege of one family in using a public resource to protect and promote their private interests."

Related video:

vuukle comment

ABS-CBN

ALAN PETER CAYETANO

HARRY ROQUE

LEGISLATIVE FRANCHISE

RODRIGO DUTERTE

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with