^

Bansa

Hirit na prangkisa ng ABS-CBN ibinasura!

Joy Cantos - Pilipino Star Ngayon
Hirit na prangkisa ng ABS-CBN ibinasura!
Nasa 70 mambabatas ang bumoto pabor sa resolusyon ng binuong technical working group na nirekomendang huwag bigyan ng prangkisa ang ABS-CBN, habang 11 ang tumutol, 2 ang nag-inhibit at isa ang nag-abstain.
The STAR/Felicer Santos, file

MANILA, Philippines — Sa botong 70-11, ibinasura na ng Kamara ang aplikasyon ng ABS-CBN para sa bagong prangkisa nitong Biyernes.

“It’s laid on the table, killed,” pahayag ni House Committee on Legislative Franchises Chairman Franz Alvarez matapos ang botohan.

Nasa 70 mambabatas ang bumoto pabor sa resolusyon ng binuong technical working group na nirekomendang huwag bigyan ng prangkisa ang ABS-CBN, habang 11 ang tumutol, 2 ang nag-inhibit at isa ang nag-abstain.

Nagmula ang mga mambabatas sa House committee on legislative franchises at mga lider ng Kamara na ex-officio members.

Mayo 5 nang ipatigil ng National Telecommunications Commission ang pag-broadcast ng ABS-CBN isang araw matapos mapaso ang prangkisa nito.

Sa 12 franchise hearing ng Kamara, isa-isang sinagot ng ABS-CBN ang mga paratang na ipinupukol sa kompanya kabilang ang citizenship ng kanilang Chairman Emeritus na si Gabby Lopez, pag-iisyu ng Philippine Depositary Receipt sa mga dayuhan, political bias, paglalabas ng TV Plus, pagbabalik ng ABS-CBN sa mga Lopez, paglabag sa labor practices at hindi tamang pagbabayad ng buwis.

Ayon naman kay House Committee on Legislative Franchises Chairman at Palawan Rep. Franz Alvarez, kung maghahain ng motion for reconsideration ang TV network ay magbibigay daan ito para magsagawa muli ng pagdinig para naman pakinggan ang inihaing apela.

Una nang inihayag ni ABS-CBN President at Chief Executive Officer Carlo Katigbak na mapipilitan silang tanggalin ang mahigit 11,000 empleyado ng network sa Agosto kung hindi mabigyan ng prangkisa ang network.

Dati na ring sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na ipasasara niya ang network dahil sa ‘political partisanship’ noong 2016 presidential elections.

Posible namang sa 2022 pa maaaring makapag-apply muli ng prangkisa ang ABS-CBN matapos ang administrasyon ni Pangulong Duterte.

Dahil sa naging desisyon ng komite ay hindi pa maaaring umere ang ABS-CBN.

Samantala, nirerespeto ng Malacañang ang naging desisyon ng Kamara na huwag i-renew ang prangkisa ng ABS-CBN.

Ayon kay Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo, hindi nakikialam ang Ehekutibo sa trabaho ng kapantay na sangay ng gobyerno.

Ipinunto rin ni Pa­nelo na kapwa napakinggan naman sa pagdinig ang magkabilang panig kaya ipinauubaya nila sa komite ang hindi pagbibigay ng prangkisa. Malou Escudero

vuukle comment

ABS-CBN

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with