ABS-CBN workers, supporters nag-caravan bago desisyunan ng Kamara ang prangkisa
Makikita sa larawan ang paglahok sa caravan at picket protest nina Kapamilya host Winnie Cordero at mga empleyado't tagasuporta ng ABS-CBN bago magdedisyon ng Kamara sa prangkisa ng network
Litrato mula sa Twitter account nina Renato Reyes Jr. at News5/Ria Fernandez
ABS-CBN workers, supporters nag-caravan bago desisyunan ng Kamara ang prangkisa
(Philstar.com) - July 6, 2020 - 2:00pm

MANILA, Philippines — Naglunsad ng "caravan" patungong Kamara, Lunes, ang mga empleyado't tagasuporta ng Kapamilya Network habang inaabangan ang desisyon ng lehislatura kung makababalik sa ere ang pinakamalaking himpilan ng telebisyon sa Pilipinas.

Matatandaang ipinatigil ng National Telecommunications Commission (NTC) ang operasyon ng istayon  noong ika-5 ng Mayo matapos mapaso ang kanilang legislative franchise kaugnay ng kawalang aksyon ng House of Representatives sa mahigit-kumulang isang dosenang franchise renewal bills na inihain sa Konggreso.

BASAHIN: 'Cease and desist': ABS-CBN ipinatitigil nang mag-operate ng NTC

Inaasahang pagbobotohan kasi ngayong araw, ika-6 ng Hulyo, ng House Legislative Franchises Committee kung ire-renew o hindi ang prangkisa ng ABS-CBN.

Nagtipon ang mga nagprotesta sa Commission on Human Rights (CHR) sa kahabaan ng Commonwealth Avenue, Lungsod ng Quezon, bago magtungo sa Batasang Pambansa.

Maliban sa mga journalists at empleyado, sumama rin ang ilang Kapamilya stars gaya nina Winnie Cordero sa isinagawang pagkilos.

Una nang sinabi ng kumpanya na nanganganib mawalan ng trabaho ang nasa 11,000 empleyado kung tuluyang maipapasara ng gobyerno.

MAY KAUGNAYAN: NTC naglabas ng 'cease and desist' order sa satellite TV service ng Sky Cable

Paglabag sa batas?

Ilang araw pa lang ang nakalilipas nang silipin ng mga mambabatas ang diumano'y "pag-iwas" ng kumpanya sa pagbabayad ng tamang buwis at pagsuway sa labor laws.

Hunyo naman nang gisahin ni House Deputy Speaker Rodante Marcoleta si ABS-CBN Chairman Emeritus Gabby Lopez dahil sa kanyang dual citizenship.

Sa 1987 Constitution kasi, tanging mga Pilipino lang ang pwedeng magmay-ari ng mass media sa bansa. Gayunpaman, sinabi na ng Department of Justice na Pilipino si Lopez simula nang siya'y ipanganak.

"Kayo po ay [ipinanganak] sa Amerika, lahat po ng abogado niyo... tinanong pa kayo, 'Did you renounce your American citizenship?' pagkatanggi-tanggi ninyo, 'No.' Tapos sasabihin niyo sa amin na wala kayong allegiance sa American government?" ayon kay Marcoleta.

Una nang hiniling ng Office of the Solicitor General quo warranto laban sa network dahil sa mga isyu ng foreign ownership dahil sa paglalabas ng mga Philippine depositary receipts (PDRs). Gayunpaman, ibinasura ito ng Korte Suprema dahil expired na ang prangkisa.

Taong 2018 nang sabihin ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi niya hahayaang ma-renew ang prangkisa ng ABS-CBN matapos nitong hindi iere ang mga binarayang patalastas noong tumatakbo pa siya sa pagkapresidente noong 2016.

BASAHIN: Duterte: If I had my way, I won't renew ABS-CBN's franchise

Sa kabila niyan, napatawad na raw ni Digong ang network matapos humingi ng tawad ni ABS-CBN president at chief executive officer Carlo Katigbak. Gayunpaman, lehislatura pa rin daw ang magdedesisyon kung makakabalik serbisyo ang network. — James Relativo at may mga ulat mula sa News5

ABS-CBN HOUSE OF THE REPRESENTATIVES LEGISLATIVE FRANCHISE
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with