NEIC sasagipin ang naluluging private firms
MANILA, Philippines — Isinusulong ni House Ways and Means Chairman at 2nd District Albay Rep. Joey Salceda ang paglikha ng National Emergency Investment Corp. (NEIC) para makapaglaan ng P50-B pondo sa loob ng 2 taon upang sagipin ang mga pribadong kumpanya mula sa tuluyang pagbagsak dulot ng COVID-19 pandemic.
Ang NEIC ang mangangasiwa sa mga ‘joint ventures’ na kailangang pasukin ng pamahalaan upang maisalba ang mga pribadong kumpanya na nalulugi.
Sinabi ni Salceda, isang kilalang ekonomista, na ang paglikha ng NEIC ay bahagi ng “Accelerated Recovery and Investments Stimulus for the Economy of the Philippines Act” (HB 6619) na ipinasa na sa Kamara kamakailan.
Ayon kay Salceda, ang HB 6619 na tinagurian ding National Economic Stimulus Plan ay magsisilbing ‘asset resolution company’ ng gobyerno na ang mandato ay iligtas sa pagkalugi ang mahahalagang pribadong kumpanya.
“Bunga ng masusing pag-aaral, ipinanukala namin ang NEIC na angkop sa kalagayan ng bansa natin, upang maprotektahan ang trabaho ng mga manggagawa sa mahalagang kumpanya,” paliwanag ng solon.
Pinuna ni Saceda na lubhang nangangailangan ng tulong ang turismo habang ang mga investors ay magdadalawang isip at hindi magkakainteres na bumili ng magaganda pero nanganganib na mga hotel sa bansa.
“Kahit may maluging malalaking hotel sa Boracay dahil sa COVID, hindi papangit ang Boracay. Hindi mawawalan ng negosyo ang mga hotel. Kung pamumuhunanan ang magandang mga hotel sa magagandang destinasyon, kikita ang mga ito ng malaki sa hinaharap,” giit ni Salceda.
Samantala sa mga airlines, kahit malugi ang mga ito sa kasalukuyan dulot ng pandemya ay mananatili itong mahalaga.
Aakuin ng NEIC ang mga obligasyon ng mga kumpanyang aayudahan nito, ayon kay Salceda.
- Latest