Pumipila ang mga pasaherong ito pabalik ng Guangzhou, China sa isang international airport sa Maynila habang nakasuot ng personal protective suit, ika-28 ng Mayo, 2020
AFP/Ted Aljibe
Kahit GCQ sa Lunes, regular int'l flights bawal pa rin sa NAIA
(Philstar.com) - May 29, 2020 - 5:01pm

MANILA, Philippines — Tuloy pa rin ang pagpapatupad ng mga "international flight travel restrictions" sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) kahit ili-lift ang mahigpit na modified enhanced community quarantine (MECQ) sa Metro Manila simula Lunes.

Sa pahayag na inilabas ni Bureau of Immigration (BI) Commissioner Jaime Morente, hindi babaguhin ang travel restrictions na ipinatutupad noong ECQ at MECQ sa pagpasok ng mas maluwag na general community quarantine (GCQ) sa ika-1 ng Hunyo.

 

 

"Ang resulta, downscaled pa rin ang operasyon sa NAIA at mananatiling skeletal at rotational ang pagtatalaga ng mga personnel doon," ani Morente sa Inggles.

"Gayunpaman, tinitiyak namin sa publiko na lagi kaming handang manumbalik sa normal na operasyon sa aming international airports oras na tanggalin ng gobyerno ang travel restrictions."

Dahil dito, suspendido pa rin ang kalakhan ng paglipad ng mga eroplano, bagay na nakaapekto pareho sa mga Pilipino at banyagang nais lumabas o pumasok ng Pilipinas.

Kalagitnaan ng Marso nang huling maging normal ang operasyon ng NAIA, dahilan para maging limitado lang ito.

Ayon kay BI acting port operations chief Grifton Medina, 20 hanggang 30 flights kada araw lang ang kanilang pinahihintulutan.

Isang-katlo (one-third) sa mga nasabing biyahe ay mga espesyal na flights na nagdadala ng mga medical supplies at iba pang kagamitan papasok ng bansa.

Kalakhan ng mga limitadong pampasaherong flights sa ngayon ay nag-uuwi ng mga overseas Filipino workers at "chartered sweeper flights" na nag-uuwi ng mga banyaga sa kani-kanilang bansa.

Ayon sa Inter-Agency Task Force Against Infectious Diseases, tanging ang mga sumusunod ang pwedeng pumasok sa Pilipinas:

  • OFWs
  • Filipino citizens, kanilang asawa at mga dependents
  • permanenteng residente
  • foreign diplomats

Lahat ng mga dayuhan ay pwedeng umalis kahit kailan. Papayagan lang umalis ng bansa ang mga Pilipino kung sila'y OFW o permanenteng residente o may student visa sa bansang kanilang pupuntahan.

Kagabi lang nang ianunsyo ni Pangulong Rodrigo Duterte ang paglalagay ng National Capital Region sa GCQ simula Lunes, na nagpapanumbalik sa limitadong pampublikong transportasyon sa Kalakhang Maynila.

Sa ilalim din nito, maaari na ring bumalik ang hanggang 75% ng mga nagtratrabaho sa mga pribadong opisina at tanggapan ng gobyerno.

Gayunpaman, wala pa ring face-to-face na klase pagdating ng Agosto bilang pag-iingat na rin sa hawaan ng coronavirus disease (COVID-19) sa mga paaralan. — James Relativo

BUREAU OF IMMIGRATION FLIGHTS GENERAL COMMUNITY QUARANTINE NOVEL CORONAVIRUS
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with