^
GCQ inirekomenda ng IATF kay Duterte sa Metro Manila hanggang June 15
Tinitignan ng pulis na ito ang "transit pass" ng lalaking ito habang ipinatutupad ang mga quarantine measures laban sa coronavirus disease (COVID-19).
The STAR/Edd Gumban

GCQ inirekomenda ng IATF kay Duterte sa Metro Manila hanggang June 15

(Philstar.com) - May 28, 2020 - 10:29am

MANILA, Philippines — Pormal nang inirekomenda ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) ang paglalagay ng National Capital Region sa mas maluwag na general community quarantine (GCQ).

Ang balita ay kinumpirma ni Interior Secretary Eduardo Año, vice chairperson din ng national action plan laban sa coronavirus disease (COVID-19), sa panayam ng CNN Philippines, Huwebes.

"Si Presidente [Rodrigo] Duterte ang may final say kung aaprubahan, ibabasura o aamyendahan ang rekomenedasyon ng IATF," sabi ni Año sa Inggles.

"Karamihan din ng mga negosyo ay bubuksan maliban na lang sa mga leisure establishments."

Oras na aprubahan ang mga rekomendasyon, ilalagay sa GCQ ang Metro Manila sa ilalim ng mas maluwag na quarantine measures mula ika-1 hanggang ika-15 ng Hunyo.

Inilabas ng IATF ang mga rekomendasyong ito kahit na nadagdagan ng 380 ang kaso ng COVID-19 sa Pilipinas, ang pinakamalaking pagsipa ng confirmed cases sa isang araw simula noong ika-6 ng Abril.

Kasalukuyang nasa 15,049 na ang kabuuang bilang ng mga nadali ng virus sa ngayon sa bansa.

Nakatakdang magtalumpati mamayang gabi si Duterte, ayon kay presidential spokeseperson Harry Roque. Pupulungin din niya ang mga opisyal ng Gabinete pagdating sa mga quarantine recommendation.

Martes nang paboran ng lahat ng 17 alkalde ng Metro Manila ang pagbawi ng mahigpit na modified enhanced community quarantine (MECQ) sa rehiyon at pagpapatupad ng GCQ.

Kasalukuyang nasa MECQ ang NCR, Bataan, Bulacan, Nueva Ecija, Pampanga at Zambales, bagay na magtatapos sa Linggo.

Kung sakaling mailalagay sa GCQ ang Kamaynilaan, mungkahi ni Año na mabuksan na tuluyan nang manumbalik sa trabaho ang mga pampublikong transportasyon maliban sa mga pampasaherong jeep:

"Ang problema sa traditional jeepneys, magkakalapit at magkakaharap. Maaaring i-reconfigure ang mga upuan at aaprubahan ng [Department of Transportation] and disensyo," sabi pa niya.

Maaari rin daw gamitin ang mga lumang jeep ngunit bilang delivery vehicle na lang.

Nais din payagan ng Department of the Interior and Local Government na payagan ang pagpasada ng mga bus, basta't 50% lang ang pasasakayin dito. Salitan din daw ang upuan.

Kaiba ito sa rekomendasyon ng Metro Manila Development Authority (MMDA) kahapon, na nais pagbawalan ang parehong regular na bus at mga jeep. Aniya, mahirap raw kasi i-monitor ang social distancing sa mga sasakyang ito, at peligroso sa hawaan ng COVID-19.

Gusto rin daw itaguyod ng IATF ang paggamit ng mga bisikleta bilang primaryang pamamaraan ng transportasyon lalo na't "ligtas" at tipid ito.

"Pagbabawalin din ang mga domestic flights sa ilalim ng GCQ, maliban para sa mga cargo, [at] espesyal na military flights," sabi pa ng DILG. — James Relativo

EDUARDO ANO GENERAL COMMUNITY QUARANTINE METRO MANILA MODIFIED ENHANCED COMMUNITY QUARANTINE NATIONAL CAPITAL REGION NOVEL CORONAVIRUS
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with