Panibagong 25 yrs. prangkisa ng ABS-CBN hinarang sa Kamara
MANILA, Philippines — Nanawagan si House Deputy Speaker Rodante Marcoleta sa kaniyang mga kasamahang mambabatas sa Kamara na ibasura ang apela ng ABS-CBN na isyuhan pa ito ng panibagong 25 taong prangkisa matapos ang mga umano’y paglabag sa batas.
Sa ginawang pagdinig ng House Committees on Legislative Franchises at Good Governance and Public Accountability ay ginisa ni Marcoleta ang mga kinatawan ng ABS-CBN na sinabing tapos na ang 50 taong prangkisa ng network kaya hindi na dapat pang i-renew ang prangkisa nito.
“ABS-CBN deliberately and with impunity violated the conditions of its previous legislative franchise, more so our laws and the Constitution,” giit ni Marcoleta.
Inisa-isa ni Marcoleta ang mga paglabag ng ABS-CBN kabilang ang 50 taong limitasyon sa legislative franchise para makapagpatuloy ng operasyon, pagbabawal sa foreign ownership, unfair labor practices, tax evasion at pagkiling umano sa pulitika sa 2016 at 2010 national elections.
“The House of Representatives should endeavor not to grant the franchise application of ABS-CBN because it has deliberately flouted the Constitution and other related laws, and even the terms and conditions of its previous franchise to suit its own business and political interests, but for the prejudice of the greater good,” punto pa nito.
Inihayag nito na ang pagbibigay ng legislative franchise ay hindi karapatan ng anumang network manapa’y isa lamang itong pribilehiyo.
- Latest