5-anyos nene na may sintomas ng COVID, patay
LEGAZPI CITY, Albay. Philippines - Patay dahil sa sintomas na katulad ng COVID-19 ang isang 5-anyos na batang babae habang nilalapatan nang lunas sa Bicol Regional Training and Teaching Hospital (BRTTH) kahapon ng umaga sa lunsod na ito.
Ang paslit na residente ng Brgy. Bañag sa bayan ng Daraga ay isinugod ng kanyang mga kaanak sa BRTTH dahil sa lagnat at nahihirapang huminga pero nasawi habang ginagamot. Bago namatay ay nakuhanan ng swab samples ang pasyente na ipinadala sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM) para sa COVID-19 test.
Ayon kay Dr. Antonio Loduvice, provincial health officer ng Albay, una umanong ipinakonsulta ng mga magulang ang bata sa Philippine Heart Center dahil sa sakit sa puso noong Marso 6, habang Marso 13 ay dinala naman sa BRTTH dahil sa ubo at matapos tingnan ay binigyan ng antiobiotics para sa pitong araw at pinauwi. Walang history ng travel sa ibang bansa maliban sa Metro Manila ang bata.
Hiniling naman ng lokal na pamahalaan ng Daraga sa mga magulang at mga kaanak na nagkaroon ng closed contact sa bata na sumailalim sa home quarantine.
- Latest