QC, Marikina patients kasama sa 10 nagpositibo sa COVID-19
Kasalukuyang nasa 10 na ang naitatalang kaso ng nakamamatay na sakit sa Pilipinas simula nang unang magsimula ito sa bansa —  isa galing sa pinakamalaking lungsod sa Metro Manila.
FIle

QC, Marikina patients kasama sa 10 nagpositibo sa COVID-19

James Relativo (Philstar.com) - March 9, 2020 - 11:58am

MANILA, Philippines — Kinumpirma ng Department of Health at pamahalaang lungsod ng Quezon City at Marikina City na kasama ang kanilang lugar sa mga nakitaan ng pinakabagong kumpirmadong kaso ng coronavirus disease (COVID-19), Lunes.

Kasalukuyang nasa 10 na ang naitatalang kaso ng nakamamatay na sakit sa Pilipinas simula nang unang magsimula ito sa bansa —  isa galing sa pinakamalaking lungsod sa Metro Manila.

Ang balita tungkol sa QC sa ay kinumpirma ni Health Assistant Secretary Maria Rosario Vergeire sa panayam ng CNN Philippines.

"Nagsasagawa na tayo ng mas matinding contact tracing lalo na sa mga kasong hindi naman lumabas ng bansa kamakailan," paliwanag ni Vergeire sa Inggles.

Biyernes nang sabihin ng DOH sa isang press briefing na naitala na ang ikaapat at ikalimang kaso sa bansa, kung saan isa ang madalas magtungo sa isang prayer hall sa Lungsod ng San Juan.

Taga-Cainta, Rizal ang ikalimang kaso habang mayroom na ring kumpirmadong kaso sa mga Lungsod ng Taguig at Marikina.

(BASAHIN: Listahan ng mga kumpirmadong COVID-19 sa Pilipinas)

Ilang araw pa lang ang nakalilipas nang napatunayang nangyayari na ang local transmission ng sakit, o paghahawaaan na nangyayari na mismo sa loob ng bansa.

Ayon kay Quezon City Disaster Risk Reduction and Management Council head Myke Marasigan, kinumpirma ni QC Mayor Joy Belmonte na meron na ngang COVID-19 sa kanila habang nasa flag raising ceremony ngunit hindi na nagdagdag pa ng impormasyon tungkol dito, ulat ng dzBB.

Una nang sinabi kanina ng Marikina City Mayor Marcy Teodoro na isang 86-anyos, na kagagaling lang sa South Korea, na may nagpositibo na rin sa kanilang lugar, ayon sa ulat ng ANC.

Sa kabila nito, pinaalalahanan naman ni Vergeire ang lahat na huminahon pa rin sa panahong ito.

"Nagdaragsaan ang mga tao sa mga ospital kasi lahat sila, akala nila may COVID-19. Tanging 'yung mga bumiyahe sa infected countries ang dapat magpasuri o 'yung mga may nakasalamuhang kumpirmadong kaso," saad pa niya.

"Kung may lagnat ka, pananakit ng lalamunan, ubo o sipon pero [wala sa mga nabanggit], 'di mo kailangang magpa-test. Bantayan mo lang ang sitwasyon mo o kumunsulta sa doktor."

Aniya, mahirap ma-diagnose ang COVID-19 at halos walang pinagkaiba sa trangkaso, maliban na lang kung sasailalim sa lab test.

Hindi pa rin naman iminumungkahing isugod sa RITM, Lung Center of PH at San Lazaro Hospital ang mga coronavirus patients maliban na lang kung malubha na. Kaya pa naman daw hawakan ng mga pampubliko at pribadong ospital ang mga "mild cases" ng COVID-19.

Para sa mga may ganyang sintomas at lumabas ng bansa o na-expose sa confirmed coronavirus cases, maaaring tawagan ang DOH sa (02)8-651-7800 loc 1149-1150.

DEPARTMENT OF HEALTH MARIKINA CITY NOVEL CORONAVIRUS QUEZON CITY
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with