^
DA chief kinastigo sa pagtanggi sa P68-B lugi dulot ng rice liberalization
"Napaka-out of touch sa katotohanan ni Secretary Dar. Dapat lumabas siya sa airconditioned niyang opisina para abutin ang milyun-milyong magsasaka na tinamaan ng [rice liberalization law]," sabi ni Danilo Ramos ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas.
File

DA chief kinastigo sa pagtanggi sa P68-B lugi dulot ng rice liberalization

James Relativo (Philstar.com) - March 5, 2020 - 3:14pm

MANILA, Philippines — Humaharap sa sari-saring batikos ang kalihim ng Department of Agriculture matapos niyang itanggi ang mga ulat na bilyun-bilyon ang nawawala sa mga magsasaka simula nang ipatupad ang rice tarrification law, na nagliberalisa sa industriya.

Ayon kay Danilo Ramos, pambansang tagapangulo ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas, tila malayo sa reyalidad ang ibinulalas ni Agriculture Secretary Wiliam Dar tungkol sa materyal na epekto ng unlimited rice imports sa merkado.

"Napaka-out of touch sa katotohanan ni Secretary Dar. Dapat lumabas siya sa airconditioned niyang opisina para abutin ang milyun-milyong magsasaka na tinamaan ng [rice liberalization law]," sabi ni Ramos.

Miyerkules kasi nang pasinungalingan ng kalihim ang pag-aaral ng Federation of Free Farmers, na nagsasabing P68 bilyon ang nalugi sa mga magsasaka sa unang taon ng implementasyon ng batas.

"Hindi naman sila nalugi ng P68 billion eh," wika ni Dar sa isang economic briefing, Miyerkules.

Dagdag pa ni Ramos, hindi pa saklaw ng P68 bilyon ang kabuuang impact ng gutom, pagkabaon sa utang at malnutrition na dinala ng batas sa mga nagbubungkal.

Matagal nang iniuugnay sa liberalisasyon ng rice industry ang pagbulusok ng bentahan (farmgate price) ng palay, na nasa P16 noong ikalawang linggo ng Pebrero.

Bagama't mura ang bigas para sa mga consumer, na nasa P37.06 kada kilo, patuloy ang pag-aray ng mga pesante dahil sa sadsad sa lupang presyo ng palay kapag binili sa kanila.

"Ipinaaalala namin sa agriculture secretary na karamihan sa rice farmers ay walang sariling lupa at nagdarahop... Hindi kami malalaking negosyante sa pribadong sektor na mga balanse sa pagitan ng gastusin at kita ang iniisip," dagdag pa ni Ramos.

Sa FFF study, sinasabing lumampas ng P34 bilyon ang inilabis ng pagkalugi kumpara sa ganansyang idinulot ng tarrification.

Inaasahang mapapanatili ng Pilipinas ang sarili bilang numero unong nag-aangkat ng bigas sa mundo, kasunod ng Tsina, kahit na plano nitong bawasan ang rice importation para sa taong 2020. Matatandaang umabot sa 2.9 milyong metric tons ang ipinasok ng Pilipinas noong 2019.

Karanasan sa Bataan

Ayon naman sa Amihan, o National Federation of Peasant Women, direktang mapapabulaanan ng karanasan ng mga magsasaka ng Bataan ang sinasabi ni Dar.

Sa Abucay, Samal at Orion, Bataan, tinatayang nasa P15 hanggang P17 kada kilo ang farm gate prices ng palay, na P6 hanggang P10 kada kilong pagbagsak sa presyo.

Inilahad ng mga magsasaka sa katatapos lang na Amihan at Bantay Bigas workshop na nagtiis sila sa P108 hanggang P146 kita sa loob ng apat na buwan, na mas mababa noong 2018.

"May magsasaka mula sa Samal na nagsabing P24,000 ang nawala sa kanila, habang nasa P45,000 naman daw ang nalugi sa mga kababaihang mag-uuma ng Abucay, maliban pa sa P15,000 utang, na bahagi ng P40,000 gastos sa produksyon," sabi sa pahayag ng Amihan, Huwebes.

Noong 2018, sinasabi ng isang magsasaka na P20 ang bentahan niya sa palay tuwing tag-init, ngunit napilitan daw siyang ibenta ito sa P10 kada kilo noong 2019.

Sabi pa ni Cathy Estavillo, secretary-general ng grupo, natatakot na rin daw sila sa kahihinatnan ng sektor ngayong Marso at Abril.

"May mga ulat mula sa Capiz at Iloilo, na ang farm gate prices ay singbaba ng P10 kada kilo, kumpara sa P12 hanggang P14.50 noong nakaraang taon. Noong nakaraang taon sa Nueva Ecija, pumalo ng P7 kada kilo ang bilihan ng palay," dagdag ni Estavillo.

Inirerekomenda ngayon ng mga nasabing grupo ang tuluyang pagbabasura ng Republic Act 11203 bilang "solusyon" sa kinakaharap ng mga rice farmers.

'Magsipag lang'

Sa kabila nito, hindi pa naman magarantiyahan ni Dar kung hindi na sasapitin ng mga magbubukid ang mga nasabing pagkalugi.

Aniya, sana'y 'wag raw iasa ng mga nagtatanim sa gobyerno ang lahat at magsipag na lang upang mapataas ang bilang ng ani, na magpapataas daw sa kanilang kita.

"Well ang isang farmer, hindi naman lahat ay i-ano mo sa gobyerno. Dapat magsipag at mas mapataas pa yung ani niya at ipababa niya ang cost of production niya... then that will give them more opportunities in terms of higher income," paliwanag ng DA chief.

Mas handa naman na raw ang pamahalaan na pahupain ang epekto ng mababang presyo ng palay, ngunit aminado ang Agriculture department na dapat mapahusay ng Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF) ang kanilang trabaho upang matulungan ang mga magsasaka.

Ilan sa mga target ng RCEF program ay pababain ang rice production cost nang kalahati, mula P12 hanggang P6 kada kilo, sa loob ng anim na taon.

Sinasabing may P10 bilyong pondo ang DA para rito hanggang sa taong 2024.

AGRICULTURE AMIHAN DEPARTMENT OF AGRICULTURE KILUSANG MAGBUBUKID NG PILIPINAS WILLIAM DAR
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with