"Inihanda ko na ang notice of termination [ng VFA] pero hindi pa ito ipinadadala [sa US] habang hinihintay natin ang utos ng presidente," sabi ni Locsin sa mga senador sa Inggles.
Presidential Photo, File
'Notice of termination' ng VFA hindi pa ibinibigay sa Amerika
James Relativo (Philstar.com) - February 6, 2020 - 3:06pm

MANILA, Philippines — Kinumpirma ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr. na hindi pa ipinadadala ng Pilipinas ang "notice of termination" ng Visiting Forces Agreement sa Estados Unidos kahit na ibinanta na noon ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagpuputol dito.

Ito ang binanggit ng DFA sa pagdinig ng Senate Committee on Foreign Relations, Huwebes nang umaga

"Inihanda ko na ang notice of termination [ng VFA] pero hindi pa ito ipinadadala [sa US] habang hinihintay natin ang utos ng presidente," sabi ni Locsin sa mga senador sa Inggles.

Tila taliwas 'yan sa unang pahayag ni presidential spokesperson Salvador Panelo na nagsimula na ang proseso ng pagtatapos ng kasunduan.

Bago ito mapawalambisa, kinakailangan muna kasing ipadala ang nasabing notice sa kabilang partido. Mananatiling epektibo ang kasunduan sa loob ng 180 araw bago ma-terminate, alinsunod sa Article IX ng VFA. Hindi pa nagsisimula ang 180-period dahil hindi pa ito naipapasa sa Estados Unidos.

"This agreement shall remain in force until the expiration of 180 days from the date on which either party gives the other party notice in writing that it desires to terminate the agreement."

Pinahihintulutan ng VFA ang "joint drills" sa pagitan ng mga sundalong Amerikano't Pilipino sa bansa, kasabay ng pagpayag sa "unlimited" na bilang ng mga tropang Kano nang walang taning, bagama't hindi sinasaad ang pakay. 

Unang ibinabala ni Duterte na ibabasura niya ang VFA kung hindi ibabalik ng Amerika ang kinanselang visa ni Sen. Ronald dela Rosa.

Bagama't pabor dito ang mga militante, sinabi nila na dapat ginawa ito ni Duterte para proteksyunan ang soberanya ng bansa at hindi para makapaglamyerda ang senador sa ibang bansa. Naghain naman na ng resolusyon ang ilang senador laban sa pagwawakas ng VFA.

Sa kabila nito, naninindigan ang Palasyo na hindi nagpadalos-dalos ang Palasyo sa desisyon nito. Bagkos, nagpatong-patong na raw kasi ang "pangingialam" ng mga US senators sa Pilipinas. 

"Ang kanselasyon ng visa ni Sen. Bato ang naging 'last straw'... Hindi ito padalos-dalos na desisyon. Pinag-aralan 'yan ng presidente hindi lang laban sa panghihimasok ngunit pati na rin sa pag-atake sa soberanya ng bansa," ani presidential spokesperson Salvador Panelo.

Disyembre nang pirmahan ni US President Donald Trump ang 2020 budget ng Amerika, na nagba-ban sa pagpasok ng mga opisyal ng gobyerno na may kinalaman sa "maling" pagkulong kay Sen. Leila de Lima.

May kinalaman din ito sa pagpapatupad ng Global Magnitsky Human Rights Accountability Act, na nagpapataw ng parusa sa mga banyagang may kinalaman sa "matinding katiwalian" at paglabag sa karapatang pantao.

'MDT, EDCA mananatili pero...'

Bagama't maaaring maputol na ang VFA, tiniyak naman ni Locsin na mananatili pa rin ang Mutual Defense Treaty at Enhanced Defense Cooperation Agreement.

Gayunpaman, hindi raw malayong maapektuhan nito ang pagkaepektibo ng dalawa.

"Kapag ibinasura mo ang VFA, pwedeng manatili ang MDT at EDCA kaso parang pirasong papel na lang ang mga 'yan," sabi ng Foreign Affairs secretary.

Ilang analysts na ang nagbabalang maaaring maibasura ang EDCA at masuspinde ang MDT kung mapapawalambisa ang VFA.

Ang MDT ay tratadong pinagkasunduan ng Pilipinas at Amerika upang madepensahan nila ang isa't isa oras na humarap sa armadong pag-atake

Nilagdaan naman ang EDCA noong 2014 upang payagang maiikot ng Estados Unidos ang kanilang mga tropa nang matagal sa bansa at hayaang makapagtayo at makagamit ng mga pasilidad sa loob ng mga base militar ng Pilipinas. — may mga ulat mula sa News5

DEPARTMENT OF FOREIGN AFFAIRS ENHANCED DEFENSE COOPERATION AGREEMENT MUTUAL DEFENSE TREATY UNITED STATES OF AMERICA VISITING FORCES AGREEMENT
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with