DOH: 5-anyos na bata sa Cebu City positibo sa 'hindi pa tiyak na coronavirus' mula Tsina
Kuha ng mga residente ng Shanghai, China katabi ng karatulang nagpapaalala sa kanilang mag-ingat sa "bagong SARS-like coronavirus."
AFP/Hector Retamal
DOH: 5-anyos na bata sa Cebu City positibo sa 'hindi pa tiyak na coronavirus' mula Tsina
James Relativo (Philstar.com) - January 21, 2020 - 4:50pm

MANILA, Philippines — Iniimbestigahan na ng Department of Health ang isang limang taong gulang na bata sa Lungsod ng Cebu matapos lagnatin, mairita ang lalamunan at ubuhin bago bumalik ng Pilipinas mula sa Tsina.

Aniya, nagtungo raw ang bata sa Wuhan, China — na lugar kung saan nagkaroon ng outbreak ng pneumonia na idinulot ng panibagong strain ng coronavirus, ang 2019-nCoV. Ilan sa kanila ang namatay na.

Nagnegatibo naman daw ang bata sa Middle East Respiratory Syndrome-related Coronavirus (MERS-CoV) at Severer Acute Respiratory Syndrome-related Coronavirus (SARS-CoV), pero nagpositibo sa ibang klase ng coronavirus.

"[N]ag-positibo ang mga samples sa non-specific pancorona virus assay, kung kaya't ipinadala na ang specimen sa Australia para malaman ang espisipikong strain ng coronavirus," sabi ng DOH sa isang pahayag sa Inggles.

Inuubo pa rin daw ang bata ngunit stable naman daw ngayon at "aferbile" o hindi feverish.

Ang coronavirus, sabi ng DOH, ay malaking pamilya ng mga virus mula sa simpleng "common cold" hanggang sa mga mas seryosong infections gaya ng MERS-CoV at SARS-CoV.

Sa ngayon, nasa 222 kaso na ng 2019-nCoV ang naiulat sa Tsina, karamihan sa Wuhan at ilan sa Beijing at Shenzhen.

"May mga kumpirmadong kaso na rin sa Thailand, Japan at South Korea," dagdag pa ng Health department.

Unang inakala na naililipat ito sa tao sa pamamagitan ng pagdikit sa hayop, ngunit sa mga sumunod na ulat, nakita na ang human-to-human transmission ng 2019-nCoV.

Nakikipagtulungan na rin daw ang Bureau of Quarantine sa mga paliparan at airport authorities para palakasin ang border surveillance, habang pinatitindi ng Epidemiology Bureau ang community surveillance nito.

Ineengganyo naman ni Health Secretary Francisco Duque III ang mga health workers na mag-ingat sa pag-asikaso ng mga pasyenteng may acute respiratory infection, lalo na yaong mga nanggaling sa Tsina.

"Inuudyok ko ang mga biyahero na may sintomas ng respiratory illness, habang o matapos bumyahe, na kumuha ng atensyong medikal  sa lalong madaling panahon," wika pa ni Duque.

3 Tsinong na-quarantine sa Kalibo

Samantala, pinahupa naman ni Duque ang kaba ng ilan sa suspetyang nakapasok ang 2019-nCoV sa Kalibo Internatioonal Airport sa pamamagitan ng tatlong Tsino.

Na-quarantine ang mga nasabing indibidwal, kasama ang isang 3-anyos na batang babae, matapos makitaan ng "flu-like symptoms."

"Ang mga sinyales at sintomas na ipinakita ng tatlong Tsino na lumapag ng Kalibo ay hindi akma sa kaso ng bagong coronavirus," ani Duque sa ulat ng DZMM.

Bagama't wala raw silang kasaysayan ng pagbisita sa Wuhan at walang alam na contact sa nasabing virus, mino-monitor ngayon ng DOH ang tatlo.

Ipinadala na raw ang throat samples ng mga pasyente at sa Research Institute for Tropical Medicine para masuri.

"Lahat ng tatlong kaso ay maayos na ang lagay at wala nang ipinakikitang sintomas," sabi nila.

2019-NCOV CEBU CHINA CORONAVIRUS DEPARTMENT OF HEALTH
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with