"['Y]ung child talaga is immunocompromised. Mahina 'yung kanyang katawan. Marami siyang ibang sakit kaya rin madali siguro siyang maapektuhan ng virus at hindi siya naka-mount ng immune response during the vaccinations," ani Domingo.
The STAR/Michael Varcas, File
DOH: 3-anyos na lalaki sa QC nagka-polio kahit 'kumpleto sa bakuna'
James Relativo (Philstar.com) - January 17, 2020 - 5:41pm

MANILA, Philippines — Kinumpirma ng Department of Health na nabakunahan ang 3-anyos na batang lalaking nahawaan ng delikadong polio sa Lungsod ng Quezon kamakailan.

"Actually 'yung bata, fully vaccinated siya ano, doon sa kanilang center simula noong 2016," pagbabahagi ni Health Undersecretary Eric Domingo sa panayam ng GMA News, Biyernes.

"[N]aka-two rounds siya nitong ating extra na outbreak response immunization sa polio."

Inaasahan na hindi mahahawaan ng polio ang mga nabibigyan ng bakuna, ngunit hindi ito ang nangyari sa pagkakataong ito.

Paliwanag ni Domingo, sadyang mahina raw ang resistensya ng bata kung kaya't nangyari ito.

"['Y]ung child talaga is immunocompromised. Mahina 'yung kanyang katawan. Marami siyang ibang sakit kaya rin madali siguro siyang maapektuhan ng virus at hindi siya naka-mount ng immune response during the vaccinations," ani Domingo.

Maaaring magbunsod ng pagkaparalisa ang sakit, at sa ilang pagkakataon, kamatayan.

Ang nasabing bata, na nanggaling daw mula sa baranggay Batasan Hills, ang unang kaso ng polio sa Kamaynilaan simula nang manumbalik ito sa Pilipinas noong 2019.

Kahapon lang nang ibalita ng DOH na umabot na sa 16 ang merong polio sa Pilipinas sa ngayon, kung saan kasama ang bata mula sa Quezon City.

Naitala rin ang sakit sa dalawang batang lalaki mula sa Maguindanao, na may edad na dalawa at tatlong taong gulang.

Nangako si QC Mayor Joy Belmonte na patitindihin ang kampanya ng kanilang lungsod laban sa polio.

"Mabibigay din ng tulong ang lokal na gobyerno upang tugunan ang pangangailangang medikal ng bata," sabi ni Belmonte sa Inggles.

'Pagbabakuna lalong dapat gawin'

Bagama't nakakuha ng polio ang bata kahit na nabakunahan, iginiit naman ni Domingo na pinatutunayan lang nito ang kahalagahan ng immunization program.

"Kasi may mga bata na immunocompromised. 'Pag lahat kasi ng bata nabakunahan, then pati yung circulating virus sa environment, natatanggal natin," wika pa niya.

Binabantayan daw nila ngayon ang "acute flaccid paralysis" sa bata, o biglang panghihina ng ibabang bahagi ng katawan: "Flaccid meaning talagang malambot, parang lupaypay."

Aniya, marami itong posibleng dahilan. Isa na raw rito ang polio.

Samantala, kinumpirma naman ni Health Secretary Francisco Duque III na hindi nawawala ang posibilidad na kumalat ang sakit sa mga evacuation centers ngayon ng mga biktima ng pagputok ng Bulkan Taal.

"Oo. Sanitation issue 'yan. Nandiyan ang posibilidad, pero noong isang taon pa noong gumawa kami ng rounds ng immunization," ani Duque.

Nakatakda namang magsagawa ng panibagong polio vaccination sa Kamaynilaan mula Enero-27 hanggang ika-7 ng Pebrero, at sa ika-24 ng Pebrero hanggang ika-8 ng Marso.

Una nang binanggit ng UNICEF na kinakailangang 95% ng populasyon ng mga bata ang bakunado para matiyak na ligtas sila mula sa sakit.

DEPARTMENT OF HEALTH POLIO QUEZON CITY VACCINATION
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with