Matapos ang 953 araw, 'human rights abuses' sa batas militar sa Mindanao pinabubusisi
"[D]apat magkaroon ng independiyenteng pagsilip ng Commission on Human Rights sa pang-aabuso sa karapatang pantao sa Mindanao sa nakaraang dalawa't kalahating taon," sabi ni Renato Reyes Jr., secretary general ng Bagong Alyansang Makabayan sa Inggles.
The STAR/John Unson, File
Matapos ang 953 araw, 'human rights abuses' sa batas militar sa Mindanao pinabubusisi
James Relativo (Philstar.com) - January 1, 2020 - 5:23pm

MANILA, Philippines —  Sa pagtatapos ng martial law sa Mindanao nitong Miyerkoles, hinihiling ngayon ng ilang militanteng grupo na masimulan ang imbestigasyon patungkol sa mga diumano'y paglabag sa karapatang pantao na nangyari sa katimugang pulo ng bansa.

Matatandaang idineklara ni Pangulong Rodrigo Duterte ang martial law sa Mindanao noong ika-23 ng Mayo, taong 2017 bilang tugon sa sagupaan ng gobyerno ang Maute-ISIS sa Lungsod ng Marawi.

Bagama't idineklarang "malaya" na sa terorista ang Marawi noong Oktubre 2017, sinuspinde ang pribilehiyo ng writ of habeas corpus doon nang hanggang dalawang taon at pitong buwan — bagay na nagbunsod diumano ng kaliwa't kanang human rights violations sa mga sibilyan.

"[D]apat magkaroon ng independiyenteng pagsilip ng Commission on Human Rights sa pang-aabuso sa karapatang pantao sa Mindanao sa nakaraang dalawa't kalahating taon," sabi ni Renato Reyes Jr., secretary general ng Bagong Alyansang Makabayan sa Inggles.

Hiling nina Reyes, dapat hayaang makapagsalita ang iba't ibang sektor upang ikwento ang kanilang karanasan "nang walang takot sa pagganti ng militar."

May kakulangan pa raw kasi ng tunay na "impact" ng batas militar, lalo na sa mga komunidad na labis ang militarisasyon at "pagkontrol ng lumalabas na impormasyon."

"Mahalaga rin... ang fact-finding effort para malaman ang aktwal na pangangailangan ng Mindanao-wide martial law," dagdag ng BAYAN leader.

"Nakatulong ba ito sa aktwal na rehabilitasyon ng Marawi? Paano? Nasugpo ba nito ang pagkakaroon ng extremist groups? Wala ba talagang abuses? Nasagot ba ang mga justifications?"

Panahon pa ng dating Pangulong Ferdinand Marcos huling nagtagal nang taon ang martial law sa Pilipinas, bagay na nagdulot ng pagkakaaresto, pagkaka-torture at pagkakapaslang ng libu-libo mula dekada '70 hanggang '80.

Nananawagan ngayon ang BAYAN sa lahat ng human rights advocates sa paglaban sa diumano'y normalisasyon ng martial law at paggamit dito sa hinaharap para durugin ang lehitimong kritisismo.

Ilang araw pa lang ang nakalilipas nang lumabas sa pag-aaral ng Social Weather Stations na 65% ng mga Pilipino ang tutol sa muling pagpapalawig ng martial law sa Mindanao.

'Objective ng martial law nakamit'

Samantala, ipinagmamalaki naman ni Defense Secretary Delfin Lorenzana ang mga "tagumpay" na natamo ng pagpapatupad ng batas militar sa Midananao.

"Naniniwala ang security sector na ang nakamit ang layunin ng martial law," sabi ni Lorenzana sa isang pahayag.

Ilan daw dito ang pagpigil sa rebelyon sa Marawi, lanao del Sur at iba pang lugar sa pulo.

Tiwala din daw sila na mapananatili ang katahimikan sa Mindanao at hindi na mauulit pa ang nangyari noon sa Marawi ng mga nalalabing miyembro ng Maute o iba pang teroristang grupo.

"Para sa mga nananawagan na muling pahabain ang martial law, sinisiguro namin na ang [Armed Forces of the Philippines] auy magpapatuloy sa pagtatanggol ng kapayapaan at stabilidad ng rehiyon," dagdag pa niya.

Nagpasalamat din si Lorenzana sa pag-aapruba ng Konggreso sa pagpapalawig dito nang tatlong beses.

Una itong in-extend mula ika-24 ng Hulyo hanggang ika-31 ng Disyembre 2017.

Dalawang beses pa itong pinalawig ng Konggreso para sa kabuuan ng 2018 at 2019.

BAGONG ALYANSANG MAKABAYAN DELFIN LORENZANA DEPARTMENT OF NATIONAL DEFENSE MARTIAL LAW MINDANAO RENATO REYES JR.
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with