P7,500 sapat sa buwanang pagkain ng pamilya? Magsasaka nag-alboroto
"Hindi lapat sa lupa ang badyet... Sa aktwal, kulang na kulang iyan dahil sa napakataas ng presyo bilihin tulad ng bigas, gulay, karne, isda at iba pa sa mga palengke, iba pa ang epekto ng TRAIN Law," sabi ni Zenaida Soriano, pambansang tagapangulo ng Amihan.
The STAR/Miguel De Guzman, File
P7,500 sapat sa buwanang pagkain ng pamilya? Magsasaka nag-alboroto
James Relativo (Philstar.com) - December 12, 2019 - 2:56pm

MANILA, Philippines — Pinalagan ng mga kababaihang magsasaka ang iprinesentang budget ng gobyerno na diumano'y sapat na para buhayin ang pamilya.

Ilang araw pa lang ang nakalilipas nang sabihin ng Philippine Statistics Authority na P7,528 lang ang kailangan ng pamilyang may limang miyembro para makakain nang isang buwan.

Nasa P10,727 naman daw ang budget requirement ng pamilya kung isasama pa ang non-food needs ng isang pamilya sa loob ng 30 araw.

"Hindi lapat sa lupa ang badyet... Sa aktwal, kulang na kulang iyan dahil sa napakataas ng presyo bilihin tulad ng bigas, gulay, karne, isda at iba pa sa mga palengke, iba pa ang epekto ng TRAIN Law," sabi ni Zenaida Soriano, pambansang tagapangulo ng Amihan.

"Naglabas pa siya ng menu niya, na ang gusto niyang gawin ay paulit-ulit itong kainin ng mga tao araw-araw para magkasya yung badyet na sinasabi niya. Isa itong kabaliwan mula sa isang neoliberal na burukratang pinapasweldo ng mahihirap."

Ang tinutukoy niyang menu ay ang inilabas na listahan ng gobyerno na mabibili sa P7,500:

  • scrambled egg
  • kapeng may gatas
  • kanin o mais pang-almusal
  • nilagang munggo na may malunggay
  • tuyong dilis
  • saging at kanin o mais para pananghalian
  • isda o nilagang karne ng baboy
  • gulay at kanin o mais pang-hapunan

"Ang tawag diyan ay batayang pangangailangan, kaya 'no frills.' Walang en grandeng items diyan... Sigurado akong maraming pamilya ang nabubuhay sa ganyang budget," sabi ni Socioeconomic Planning Secretary Ernesto Pernia.

Sabi ng Amihan, dismayado sila sa pahayag na sapat ang P81 kada meal lang ang kailangan gayong nagtatanim sila mismo ng pagkain.

Para sa mga pamilyang magsasaka nga raw sa Cagayan, hirap na hirap na silang pagkasyahin ang P350 kada araw para sa isang "gantang ng bigas, ulam, asukal, kape, tinapay at iba pang condiments."

Paliwanag pa nila, nananatiling mataas ang presyo ng bigas sa P30 hanggang P70 kada kilo sa mga probinsya dulot ng Rice Liberalization Law.

Nasakto pa raw ito sa pagsirit ng presyo ng galunggong, na tinaguriang "poor man's fish," dahilan para lalong kumonti ang pagkaing abo't kaya ng mga dukha.

"Galit kami na ipinagkakait nina [Pangulong Rodrigo Duterte], Perna at kanyang mga economic managers ang kongkretong realidad ng mahihirap na Pilipino," sabi pa ni Soriano.

"Ipinakikita lang nito ang pagpapabaya ng gobyerno at kawalan ng intensyon para sa tunay na pagsugpo sa kahirapan."

Nitong Disyembre 2019 lang nang sabihin ng PSA na 5.9 milyong Pilipino ang matagumpay na nakaahon mula sa kahirapan noong 2018.

Sa kabila nito, nasa 17.6 milyong Pilipino naman daw, o tatlong milyong kabahayan, ang hirap matugunan ang pang-araw-araw ng pangangailangan habang nabubuhay sa baba ng poverty threshold.

Nasa 5.2% lang din daw ang bahagi ng populasyong Pilipino na hindi matugunan kahit ang pangangailangan sa pagkain, habang 800,000 pamilya naman daw ang "food poor."

AMIHAN ERNESTO PERNIA HUNGER NATIONAL ECONOMIC AND DEVELOPMENT AUTHORITY PHILIPPINE STATISTICS AUTHORITY POVERTY
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with