Iniinspeksiyon ng lalaki ang hilera ng mga metro ng tubig sa Philcoa, Quezon City. Maari umanong sumipa ang si­ngil sa tubig dahil sa pagkansela ng extension contract ng gobyerno sa Maynilad at Manila Water.
Michael Varcas
Extension ng water deal kinansela na
Gemma Garcia (Pilipino Star Ngayon) - December 12, 2019 - 12:00am

MANILA, Philippines — Kinansela na ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) ang extension ng kontrata ng Maynilad at Manila Water.

Kinumpirma ni MWSS deputy administrator Leonor Cleofas sa joint hearing ng House Committees on Good Government and Public Accountability at Public Accounts na napagdesisyunan ng MWSS board noong Dis­yembre 5 na kanselahin na ang resolusyon noong 2009 na nagpapalawig sa kasunduan ng gobyerno sa 2 water concessio­naires hanggang 2037.

“Yun po ang na­ging aksyon ng board natin nung Dec. 5 board meeting, ni-revoke po ‘yung board resolution po extending the 15 years,” sabi ni Cleofas.

Nangangahulugang hanggang 2022 na lang hahawakan ng mga ito ang pag-distribute ng tubig sa Metro Manila.

Nabatid na nilagdaan ng MWSS, Maynilad at Manila Water ang kasunduan sa distribusyon ng tubig sa Metro Manila, ilang bahagi ng Cavite at lalawigan ng Rizal noong 1997.

Matatandaang pinansin ni Pangulong Duterte ang ilang probisyon sa kontrata na dehado ang pamahalaan tulad na lang ng kapag nakilam ang gobyerno sa pagpapatupad ng water rates ay magbabayad pa ito sa kung ano man ang magiging lugi ng kompanya.

Ang nasabing probisyon ang naging dahilan ng desisyon ng arbitration court sa Singapore na atasan ang gobyerno ng Pilipinas na magbayad ng P3.4 billion sa Maynilad at P7.4 billion sa Manila Water dahil umano sa lugi ng concessionaires sa hindi naipatupad na rate adjustment.

Samantala, inamin naman ng MWSS na hindi nila kakayanin na makapagbigay ng maa­yos na serbisyo ng malinis na tubig lalo na sa Metro Manila kung hindi matutulungan ng dala­wang water concessionaires.

Giit pa ni Cleofas, hindi rin sapat ang iba pang resources ng MWSS para masuplayan ang milyon-milyong mga kustomer ng Maynilad at Manila Water kaya ipupursige nang matapos ang P12.2 bilyon Kaliwa dam projet na maaring alternatibong pagkukunan ng tubig para sa Metro Manila.

MANILA WATER MAYNILAD METROPOLITAN WATERWORKS AND SEWERAGE SYSTEM
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with