"Walang karapatan si Villar magdikta sa tao kung ano ang kakainin, at trabaho nga niya na gawing accessible sa mahihirap ang mga food items," sabi ng grupong Amihan kay Villar.
The STAR/Mong Pintolo, File
'Gulay mahal na rin': Villar binweltahan nang paiwasin sa galunggong ang mahihirap
James Relativo (Philstar.com) - December 11, 2019 - 1:57pm

MANILA, Philippines — Hindi nagustuhan ng ilang sektor ang payo ni Senate Agriculture, Food and Agrarian Reform Committee chair Cynthia Villar sa publiko na huwag na lang kumain ng galunggong kung hindi ito abot-kaya ng bulsa.

Kasalukuyang pumapalo sa mahigit P300 kada kilo ang galunggong, na dating tinaguriang "poor man's fish."

Dahil dito, sinabi ni Villar, na siyang pinakamayamang miyembro ng Senado, na maghanap na lang ng alternatibo ang mga "can't afford": "Bakit 'di kayo kumain ng gulay? Mas healthy 
'yun... Kumain ng other means na which are cheaper and available. Dami namang choices bakit ba iniinsist 'yan [galunggong]?"

Pero para sa grupong Amihan, o National Federation of Peasant Women, sana raw ay huwag takdaan ni Villar ang diyeta ng mga dukha.

"Kami pa ba ang mag-a-adjust sa statement ni Sen. Villar na hindi na kumain ng mahal na galunggong samantalang, napakamahal rin ng mga gulay sa mga palengke," sabi ni Zenaida Soriano, chairperson ng Amihan.

"Walang karapatan si Villar magdikta sa tao kung ano ang kakainin, at trabaho nga niya na gawing accessible sa mahihirap ang mga food items. Nakaka-dalawa na siyang bumabagsak [sa] self-sufficiency [ng] bansa — una, sa bigas, ngayon sa galunggong," pasaring niya sa Rice Tariffication law na isinulong ni Villar.

Imbis na humirit ng mga "kontra-mahirap" na linya, mas mainam daw na maglunsad ng imbestigasyon ang senadora para malaman kung sino ang may monopolyo sa pagtatakda ng presyo ng galunggong at itigil ang importasyon nito.

Oras na kunsintihin daw ang pag-aangkat, lalo lang daw kikitid ang listahan ng mga pagkaing maihahanda sa hapag ng karaniwang Pilipino.

Una nang sinabi ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources na mag-aangkat ang Pilipinas ng 45,000 metric tons ng galunggong mula Tsina at Vietnam para umagapay sa "kakulangan" ng suplay ng galunggong sa merkado, na siyang nagpasipa raw sa presyo nito.

Pero giit ng Kilusang Mamalakaya ng Pilipinas, artipisyal lang ang shortage dahil sa ipinatutupad na "fishing ban" sa Palawan at Zamboanga.

Nasa 90% ng suplay ng galunggong ay sinasabing nagmumula sa Palawan, ayon sa ulat ng ABS-CBN.

Ibinabala rin ni Fernando Hicap, pambansang tagapangulo ng PAMALAKAYA, na labis nitong mapapababa ang farmgate price ng mga lokal na galunggong kung tuluyan itong mangyayari.

Panawagan tuloy ngayon ng Amihan, tutulan ang polisiya na nasa likod ng "gawa-gawang problema."

"Nalulungkot kami na nanlilimos tayo ng imported na galunggong, gayong meron naman tayong sariling atin kaki na't arkipelago ang Pilipinas," panapos ni Soriano.

AMIHAN BFAR CYNTHIA VILLAR GALUNGGONG IMPORTATION
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with