Nasunog ang Gaisano Mall sa General Santos City ilang sandali matapos ang malakas na lindol na yumanig sa iba’t ibang bahagi ng Mindanao.
The STAR/ courtesy of Art Louis
5 patay sa lindol!
Joy Cantos (Pilipino Star Ngayon) - October 18, 2019 - 12:00am

MANILA, Philippines – Umaabot na sa lima katao ang patay sa pagtama ng magnitude 6.3 lindol sa North Cotabato at mga karatig lalawigan sa Mindanao noong Miyer­kules ng gabi.

Sa report, sinabi ni Leslie Francisco, spokesperon ng Office of Civil Defense (OCD) 11, tatlo ay nasawi sanhi ng landslide sa Magsaysay, Davao del Sur; isa ang nabagsakan ng pader sa Datu Paglas, Maguindanao at isa ang inatake ng altapresyon na kinila­lang si Tony Panangulon, 50, sa M’lang, North Cotabato.

Naitala naman sa 89 katao ang nasugatan, 21 dito ay sanhi ng landslide sa Magsaysay, Davao del Sur; 68 sa North Cotabato, General Santos City at South Cotabato.

Ang epicenter ng lindol ay tumama sa Tulunan, North Cotabato dakong alas-7:37 ng gabi nitong Miyerkules kung saan naapektuhan ang power supply.

Lumikha rin ang lindol ng sunog sa Furniture at Plastic Section sa Gaisano Mall sa lungsod ng General Santos City.

Sa Cotabato naapektuhan ang Sangguniang Bayan Building, Fire Station, ospital, mga kabahayahan at maging ang KCC Mall sa lungsod ng Koronadal.

Nagkaroon ng bitak at nabasag ang mga salamin sa Veranza Mall sa North Cotabato, SB Building sa munisipyo ng M’lang sa Maguindanao. 

Bunga ng insidente ay nasuspinde rin ang klase sa mga apektadong lugar.

Naitala naman sa 29 imprastraktura ang napinsala sa Region XI at XII.

Pinakamataas na intensity 7 ang naitala sa Tulunan at Kidapawan City, habang intensity 6 ang naramdaman sa Digos City, Davao del Sur; Sto. Niño, South Cotabato; at Tacurong City.

Dahil dito, pinayuhan ng Phivolcs ang mga residente sa mga nasabing lugar na mag-ingat at maging alerto sa posib­leng landslide lalo’t patuloy na umaakyat ang bilang ng aftershocks.

Lagpas 200 aftershocks na ang naitala ng Phivolcs matapos ang lindol.

EARTHQUAKE
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with