Mababang oxygen, salinity level sanhi ng ‘fish kill’ sa Cavite-BFAR
MANILA,Philippines — Ang pagbaba ng oxygen at salinity level ang sanhi ng naganap na ‘fish kill’ kamakailan sa baybayin ng Bacoor at Sangley Point sa Cavite.
Ito ay ayon sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na batay sa resulta ng ginawang pagsusuri ng Fisheries Protection and Law Enforcement Group (FPLEG) at ng National Fisheries Laboratory Division (NFLD) gayundin ng technical personnel ng BFAR Region 4A hinggil sa insidente.
Ayon sa BFAR, nakapagtala lamang ng level of salinity sa nabanggit na baybayin ng 19-25 parts per thousand (ppt) na mas mas mababa sa required salinity level para sa mga lamang dagat para mabuhay na 27-35 ppt.
Binigyang diin ng BFAR na ang matinding buhos ng ulan nitong mga nagdaang araw ang nagdulot ng pagbaba ng alat ng tubig sa karagatan ng Cavite .
Bukod dito, nakitaan rin ng BFAR na mababa ang dissolved oxygen levels sa lugar at may high concentrations ng ammonia at phosphates mula sa water samples na kinuha doon.
Ang naturang mga kemikal umano ay nagdulot din ng malaking epekto sa buhay ng mga lamang dagat.
Gayunman, wala namang red tide sa Manila bay kaya’t ligtas kainin ang shellfish meat mula sa baybayin bastat hugasan lamang nang mabuti bago lutuin at kainin.
- Latest