Oktubre nang magbanta ng 780% increase ang Manila Water kung hindi raw babaliktarin ng Kataas-taasang Hukuman ang desisyon na patawan sila ng P921 milyong multa sa hindi pagsunod sa Clean Water Act.
The STAR/Michael Varcas, File
Grupo 'gagawin ang lahat' para pigilan ang 780% rate hike ng Manila Water
James Relativo (Philstar.com) - October 10, 2019 - 2:41pm

MANILA, Philippines — Binanatan ng grupong Bayan Muna ang plano ng Manila Water na magpasa ng P26 dagdag-singil sa tubig matapos patawan ng milyun-milyong multa kaugnay ng paglabag sa environmental laws.

Oktubre nang magbanta ng 780% increase ang Manila Water kung hindi raw babaliktarin ng Kataas-taasang Hukuman ang desisyon na patawan sila ng P921 milyong multa sa hindi pagsunod sa Clean Water Act.

"Sila ang lumabag sa batas tapos ang lakas ng apog nilang ipasa ito sa mga nagdurusang consumers," sabi ni Bayan Muna Rep. Carlos Zarate ngayong Huwebes sa Inggles.

"Sumusobra na talaga sila!"

Sa desisyong inilabas ng Korte Suprema noong ika-6 ng Agosto, pinagbabayad nang aabot sa P2 bilyon ang Metropolitan Waterworks and Sewerage System, Manila Water at Maynilad.

Naatasan kasi ang MWSS, Manila Water at Maynilad na matapos ang wastewaster treatment facilities at ikunekta ang sewage lines sa lahat ng establisyamento, kasama ang mga bahay, sa isang sewerage system sa loob ng lumang taon matapos ipatupad ang batas noong 2004.

Pare-parehong magbabayad ng P921,464,184 ang MWSS, Manila Water at Maynilad.

Ayon pa sa korte, kahit na makapagbayad sila sa loob ng hinihinging 15 araw ay hihingian sila ng inisyal na P322,102 kada araw subject sa 10% increase sa loob ng dalawang taon alinsunod sa Section 28 ng Clean Water Act, hanggang matugunan ang Section 8 ng batas.

Kwinestyon ito ng Manila Water sa korte, ngunit nanindigan ang SC na dapat itong mabayaran.

"Kung ico-compress ng concessionaires sa limang taon ayon sa kagustuhan ng SC ruling ang planong dapat ay 40-year project, ang daang bilyong pisong kakailanganin ay magbubunsod ng increase sa water bill ng subscribers, dahilan para makaltasan sila ng pera na kailangan para sa ibang pangangailangan na magbubunsod ng mataas na inflation," sabi ng Manila Water sa isang pahayag sa Inggles.

Magdudulot din daw ito ng matinding trapik dahil sa daan-daang kilometro ng kalsada raw ang kakailanganing hukayin.

Pero hindi ito kinagat ng Bayan Muna party-list.

"[G]agawin natin ang lahat para mapigilan ang dambuhalang rate hike na ito at pananagutin natin ang water concessionaires sa kanilang pagsasawalambahala sa aling kalikasan," ayon naman sa kanilang chairperson na si Neri Colmenares.

"Marami sa atin ngayon ay wala pa palang maayos na sewerage system, kaya poso negro lang tayo. Trabaho dapat ng concessionaires na ayusin ito pero di nila ginawa matapos ng maraming taon. Di makatarungan na ipasa sa atin ang singil sa kapalpakan nila

Iba pa sa rate hike sa Linggo

Inilutang ng Manila Water ang P26.70 per cubic meter na increase kahit na nakatakda silang magpataw ng dagdag-singil ng Maynilad sa Linggo.

Aabot ng P0.02 per cubic meter ang ipapasang dagdag-singil ng Maynilad sa consumers habang P0.178 per cu. m. naman sa Manila Water simula ika-13 ng Oktubre.

Dahil dito, ang mga Maynilad residential customers na kumokonsumo ng nasa 10 cu. m. pababa buwan-buwan ay maglalabas ng P0.09 kada buwan habang ang mga kumokonsumo ng 20 cu. m. ay madadagdagan ng P0.34 sa kanilang singilin.

Aabot naman sa P0.70 kada buwan ang itataas ng mga gumagamit ng mahigit 30 cu. m.

Para sa mga customer ng Manila Water, madadagdagan naman ng P0.93 ang mga gumagamit ng hanggang 10 cu. m. kada buwan, habang P2.06 naman ang idadagdag para sa mga nakagagamit ng 20 cu. m.

Oras na umabot ng 30 cu. m. ang kanilang konsumo, papalo ng P4.20 kada buwan ang upward adjustment ng kanilang bill.

BAYAN MUNA MANILA WATER MAYNILAD MWSS WATER RATE HIKE
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with