Inakusahan kasi ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong, dating hepe ng PNP Criminal Investigation and Detection, si PNP chief Oscar Albayalde na naging protektor ng mga pulis na nagbebenta diumano ng nakukumpiskang droga.
The STAR/Geremy Pintolo, File
Makabayan bloc: Albayalde dapat mag-resign dahil sa isyu ng 'ninja cops'
(Philstar.com) - October 3, 2019 - 7:08pm

MANILA, Philippines — Nanawagan ang ilang militanteng mambabatas kay Philippine National Police chief Oscar Albayalde na lisanin na ang pwesto matapos maiugnay sa isyu ng iligal na droga.

Inakusahan kasi nitong Martes ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong, dating hepe ng PNP Criminal Investigation and Detection, si Albayalde na naging protektor ng mga pulis na nagbebenta diumano ng nakukumpiskang droga.

Ayon sa inihaing House Resolution 416 ng Makabayan bloc, dapat magbitiw si Albayalde upang masiguro na magkakaroon ng kapani-paniwalang imbestigasyon.

"[H]inihingi ng credible investigation na magbitiw sa pwesto ang mga isinasangkot, kasama si PNP chief Albayalde, para mawala ang haka-hakang pinakikialaman at iniimpluwensyahan ang imbestigasyon, at tinatakot ang mga saksi," sabi ng resolusyon sa Inggles.

Una nang iminungkahi ni Sen. Richard Gordon na magbitiw si Albayalde kaugnay ng isyu.

Ayon kay Magalong, sinubukan daw noon ni Albayalde na makialam sa kaso ng ilang pulis-Pampanga na nag-uwi diumano ng mga shabu na nasamsam mula sa isang Chinese drug trafficker.

Sinabi rin ni Philippine Drug Enforcement Agency chief Aaron Aquino na tinawagan siya noon ni Albayalde para maudlot ang pagpapa-dismiss sa 13 pinagbibintangang ninja cops at sinabing: "'Sir, baka pwedeng huwag mo munang i-implement ang order.'"

Aniya, mga tauhan daw kasi niya ang mga ito. Dating hepe ng Pampanga police si Albayalde.

Dagdag ng Makabayan, nararapat lang na agarang makapaghain ng naaayon na kaso laban sa mga responsable sa "agaw-bato" scheme bilang pagbibigay katarungan sa mga namatay sa mga iregular na tokhang operations.

"[T]inatawagan ng Kamara ang lahat ng opisyales na isinasangkot sa 'drug recycling,' pagtatanim ng ebidensya at muling pagbebenta ng nakuhang droga sa loob ng [PDEA] at [PNP]," dagdag ng resolusyon.

Hinimok din ng mga militanteng representante ang ombudsman na kasuhan ang lahat ng makikitang may kaugnayan dito.

Binubuo ng mga party-lists gaya ng Bayan Muna, Kabataan, Gabriela Women's Party, Alliance of Concerned Teachers ang maka-Kaliwang Makabayan bloc.

'Hindi magre-resign'

Sa kabila ng mga panawagan ng mga mambabatas at senador, hindi naman nagpatinag si Albayalde.

"Hindi ako mahuhulog sa patibong na 'yan. Tatanungin ko ang presidente," sabi ni Albayalde kahapon.

Giit niya, tanging si Pangulong Rodrigo Duterte o Interior and Local Government Secretary Eduardo Año lang daw ang makapagdedesisyon sa kanyang kahihinatnan.

"Aantayin namin ang desisyon. Tulad ng lagi kong sinasabi, pwede naman akong bitiwan," ani Albayalde.

Binweltahan din niya si Magalong at sinabing hindi siya humingi ng pabor sa kanilang mga kasamahan ni minsan.

Kinuha raw kasi ng ngayo'y Baguio mayor ang tulong ni Albayalde para makabalik sa serbisyo sa pagitan ng 2006 hanggang 2010 matapos masangkot sa kudeta laban kay dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.

Nagretiro bilang PNP deputy chief for operations si Magalong noong Disyembre 2016. — James Relativo

MAKABAYAN BLOC NINJA COPS OSCAR ALBAYALDE PHILIPPINE NATIONAL POLICE RESIGNATION WAR ON DRUGS
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with