'Nakamamatay na trapik' at mga naaabalang ambulansya sa Maynila
"Kung hindi lang ganoon kabigat ang daloy ng sasakyan, nasagip pa sana 'yung pasyente," sabi ni Joseph Laylo, ambulance driver at paramedic sa panayam ng AFP sa Inggles.
Sen. Richard Gordon/Twitter
'Nakamamatay na trapik' at mga naaabalang ambulansya sa Maynila
(Philstar.com) - September 9, 2019 - 1:34pm

MANILA, Philippines — Para sa ilan, pagka-late sa trabaho o eskwela ang dulot ng trapik. Sa iba, buhay.

Nasasawi kasi ang ilang pasyente sa Maynila habang nakikipag-unahan sa usad-pagong na mga sasakyan.

"Kung hindi lang ganoon kabigat ang daloy ng sasakyan, nasagip pa sana 'yung pasyente," sabi ni Joseph Laylo, ambulance driver at paramedic sa panayam ng AFP sa Inggles.

"Parang hindi ka man lang binigyan ng pagkakataon na makatulong."

Isa lang si Laylo sa marami pang healthcare professionals na nakasasaksi ng karahasan ng tila parking lot na kalye sa mga nag-aagaw-buhay.

Taong 2017 nang mamatayan siya ng pasyente nang madagdagan ng 10 minuto ang biyahe papunta sa ospital.

"Nasa 5.7 kilometro 'yon. Wala pang limang minuto dapat nandun na kami pero inabot kami ng 15 minuto," paliwanag pa niya.

Para kay Laylo, napakabagal noon kung nais magligtas ng naghihingalo.

Ganyan din ang kwento ni Adriel Aragon, isang driver, nang umabot ng 40 ang biyahe papuntang ospital. Nasa 20 minutos lang daw dapat ang biyahe.

"Kahit gaano kalakas kami bumusina, kahit gumamit kami ng sirena, walang silbi kung hindi umuusad ang mga sasakyan," sabi niya tungkol sa isang insidente noong 2014.

Nawala ang pulso ng babae bago sila dumating ng pagamutan. Dead-on-arrival ang anunsyo sa kanya habang dinadala sa emergency room.

Tuwing peak hours, maaaring abutin ng hanggang tatlong oras ang 25-kilometrong pagmamaneho sa mga mayor na mga lugar sa Maynila.

Ayon sa Japan International Cooperatioon Agency noong 2017, nasa P4.1 bilyon araw-araw ang nawawala sa ekonomiya ng Pilipinas dahil sa bigat ng trapiko.

Sa ulat ng The STAR noong Hulyo, sinabi ng Metropolitan Manila Development Authority na nasa 251,628 pribadong kotse, 110,167 motorsiklo at 2,166 city buses ang dumadaan sa EDSA araw-araw.

'Yan ay 22,000 dagdag na sasakyan araw-araw sa mula 2018 hanggang 2019.

Kinikilala ang EDSA bilang pinaka-siksikang kalsada sa Kamaynilaan, ayon sa 2017 report ng BusinessWorld.

Ayaw magbigayan sa kalsada?

Ayon kay Aldo Mayor, public safety chief ng MMDA, maaaring masisi rin ang ilang motorista sa nangyayari sa daan.

"'Yung iba walang pakialam. Para bang sila lang ang nakatira sa mundong ito," kanyang paglalahad.

Ilan sa mga motoristang hindi nagbibigay daan sa mga ambulansya ay nahagip ng camera ni Jing Zamora, na noo'y nakasakay doon para isugod ang inang dumaranas ng stroke.

Milyun-milyon na ang views nito sa ngayon.

"Galit na galit ako. Nangangamba ako dahil wala kaming magawa sa mga kotseng nakaharang sa lane namin," sabi ni Zamora sa ilang oras nilang pagbababad sa kalye.

Umabot nang buhay ang kanyang ina sa ospital ngunit binawian din ng buhay matapos ang isang linggo.

Ayon kay Mayor, 2017 pa nang laanan ng isang lane ang mga emergency vehicles sa Maynila ngunit hindi gaano naipatutupad dahil sa kakulangan ng tao.

Pero hindi naman daw ito basta kasalanan ng mga driver, ayon kay Vernon Sarne, isang beteranong automotive journalist.

"Kahit gusto mong magparaya, anong magagawa natin kung puno ang dadanan? Hindi makalulutang ang ambulansya," aniya.

Gayunpaman, sinabi rin ni Sarne na tila nagiging "cynical" na lang ang ilan, kahit sa mga ambulansya, lalo na't nagagamit ng mga pulitiko ang "wang-wang" para makaiwas sa trapik.

Umaasa naman si Michael Deakin, na namumuno sa pinakamalaking kumpanya ng ambulansya sa Pilipinas, na sana'y makatulong ang mga video ni Zamora para buksan ang mata ng publiko.

"Dahil sa social media, nakikita naming dumarami ang nagbibigay daan sa amin, nabibigyan kami ng 'benefit of the doubt.'" — James Relativo at may mga ulat mula sa Agence France-Presse

AMBULANCE DEATH PATIENTS TRAFFIC
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with