Hinaing ni presidential spokesperson Salvador Panelo, sinabi raw kasi ng Inquirer.net at Rappler na inirerekomenda niya ang pagbibigay ng "executive clemency" sa dating kliyenteng si Antonio Sanchez kahit na ni-refer lang daw niya ang pamilya niya sa Board of Pardons and Parole.
The STAR/KJ Rosales, File
Libelo ihahain ni Panelo vs Rappler, Inquirer.net dahil sa 'Sanchez clemency story'
James Relativo (Philstar.com) - September 3, 2019 - 6:26pm

MANILA, Philippines — Maghahain ng kasong libelo si presidential spokesperson Salvador Panelo laban sa dalawang media organizations kaugnay ng mga storyang inilathala nila tungkol sa diumano'y ginawa niya para kay ex-Calauan Mayor Antonio Sanchez.

Hinaing ni Panelo, sinabi raw kasi ng Inquirer.net at Rappler na inirerekomenda niya ang pagbibigay ng "executive clemency" sa dating kliyenteng si Sanchez kahit na ni-refer lang daw niya ang pamilya niya sa Board of Pardons and Parole.

"Katulad ng sinabi ko sa naunang press briefing kaninang umaga, ang mga artikulong 'yon ay 'di lang iresponsable ngunit ubod din ng malisyoso," sabi ni Panelo sa media Martes sa Inggles.

Si Panelo ay dating abogado ni Sanchez, na nahatuluan ng patung-patong na reclusion perpetua sa 1993 rape-slay case ni Eileen Sarmenta at pagkakamatay ni Allen Gomez, mga estudyante ng UP Los Baños.

"Libelous 'yan in nature dahil idinidikit nito ako sa mga aktong makasisira sa akin at sa aking dangal."

"Dahil dito, maghahain ako ng libelo laban sa Net.Inquirer... Inquirernet at Rappler sa paglalabas ng mga malisyosong artikulong ito."

Una na niyang itinanggi na may ginagawa siya upang mapabilis ang paglabas ng dating kliyente sa kulungan gamit ang paggawad ng good conduct time allowance.

Parehong regular at cybel libel daw ang ihahain ng spokesperson, na kanila raw inihahanda na sa ngayon.

Ang Republic Act 10175, o Cybercrime Prevention Act of 2012, ay nagpapataw ng kaparusahang mas mataas nang isang degree para sa online libel kumpara sa ibinibigay ng Revised Penal Code sa libelo, ayon sa Section 6 nito.

Reaksyon ng reporters

Samantala, tumugon na rin ang ilang media organizations kaugnay ng paparating na kaso.

"Ang banta ng libelo ay panlihis lang ng atensyon sa bahagi ni Chief Presidential Legal Counsel at Spokesperson Salvador Panelo," sabi ng Rappler sa isang statement.

Inilista rin nila ang mga sumusunod na bagay:

  • na nag-abogado siya para sa rapist-murderer na si Sanchez 
  • paggamit diumano ni Panelo sa Office of the President para i-"endorso" ang liham ng pamilya Sanchez para sa executive clemency
  • diumano'y paggamit ng makinarya ng gobyerno para kitain ang pamilya Sanchez sa Palasyo noong Pebrero
  • dapat daw ay napalaya na noong nakaraang linggo si Sanchez kung 'di dahil sa galit ng taumbayan

"Kaysa barilin ang mensahero, sagutin na lang niya ang mga kwestyon pagdating sa conflict of interest," dagdag ng media outfit.

Hindi naman napigilan ng Inquirer reporter na si Marlon Ramos na magsalita kaugnay ng planong reklamo ni Panelo.

"Iba na talaga ang mundo. Yung sinungaling pa ang malakas ang loob na magkaso," ani Ramos sa isang social media post.

Isa si Ramos sa mga nag-tweet ng balitang in-"endorso" ni Panelo ang application ni Sanchez.

Nang tanungin si Panelo kung iaatras niya ang reklamo kung babawiin ng dalawang organisasyon ang mga report, ito ang kanyang sinabi: "Well, humingi ako ng pagwawasto mula sa NetInquirer, pero hindi sila sumasagot," sabi niya.

Nagpadala na rin daw siya ng text kay Pia Ranada ng Rappler, ngunit sinabihan lang ng, "Got it."

ANTONIO SANCHEZ CYBERLIBEL INQUIRER.NET LIBEL RAPPLER SALVADOR PANELO
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with