Sa pulong-balitaan na ipinatawag ni BuCor Director General Nicanor Faeldon sa New Bilibid Prisons, sinabi niya na kabilang ang pagkakadiskubre ng P1.5 milyong halaga ng iligal na droga sa selda ni Sanchez noong 2010 na dahilan para hindi ito makasama sa mapapalaya.
gulfnews.com
‘Sanchez hindi lalaya’ - Bucor
Danilo Garcia (Pilipino Star Ngayon) - August 23, 2019 - 12:00am

MANILA, Philippines – Hindi pa tuluyang makakalabas ng bilangguan si da­ting Calauan, Laguna Mayor Antonio Sanchez makaraang sabihin ng Bureau of Corrections (BuCor) na hindi pa siya maaaring maging kuwalipikado sa “good conduct and time allowance (GCTA)”.

Sa pulong-balitaan na ipinatawag ni BuCor Director General Nicanor Faeldon sa New Bilibid Prisons, sinabi niya na kabilang ang pagkakadiskubre ng P1.5 milyong halaga ng iligal na droga sa selda ni Sanchez noong 2010 na dahilan para hindi ito makasama sa mapapalaya.

Sinabi pa ni Faeldon na maraming ulat ng hindi magandang asal ng dating alkalde sa bilangguan ang nakara­ting sa kanya na siyang kakaltasin sa kanyang oras sa “good conduct”.  Kasama rin dito ang pagkakadiskubre ng ‘flat-screen television’ at air-conditioning unit sa kanyang selda noong 2015.

“Preliminary, kasi marami siyang involvement sa some not good behavior eh baka hindi nga siya qualified  That’s really the probability,” ayon kay Faeldon.

Nahatulan si Sanchez ng pitong bilang ng reclusion perpetua o 40 taong pagkakakulong noong 1995 dahil sa pagpatay kina Allan Gomez at Eileen Sarmenta na ginahasa rin ng dating alkalde at ng mga tauhan nito.  Hinatulan rin siya ng dalawang reclusion perpetua ng Korte Suprema noong Agosto 1999 dahil sa pagpatay sa mag-amang Nelson at Rickson Peñalosa.

Pruweba nasaan?

Samantala, humihingi ngayon ng ebidensya ang ina ni Eileen na si Clara Sarmenta ng pagiging matino ni Sanchez sa bilangguan.

“Kailangan talaga naming makita, bigyan kami ng copy ng computation ng proof na well-behaved,” giit ni Sarmenta.

“Paano naging good behavior, hindi naman niya sinunod lahat ng patakaran tulad ng may aircon, may cellphone, to top it all off, may shabu sa statue ni Mama Mary. Paano siya entitled sa batas?” tanong pa niya sa pamahalaan. Binanggit pa niya na, bagaman hindi sila umaasa sa danyos pinsala na ipinataw kay Sanchez, wala rin itong binayaran sa kanila.

Sinabi pa niya na unti-unti na silang nakakarekober sa trahedya sa kanilang pamilya ngunit muling nanariwa ang naghihilom na nilang sugat nang mabalitaan ang planong pagpapalaya sa dating alkalde na gumahasa at nagpapatay sa kanilang anak na kung nabubuhay ay 48-anyos na sa darating na Setyembre 16.

Prison Record Bubusisiin

Samantala, inihayag ng Department of Justice na  aalamin nila ang prison record  ni Sanchez upang malaman kung kuwalipikado itong makalaya  bunsod na rin ng ipinakitang maayos na pag-uugali sa loob ng kulungan.

Ayon kay DOJ Undersecretary at spokesperson Markk Peret, pag-aaralan nila ang good conduct time ng mga high-profile at  heinous crime convicts matapos na umani ng batikos ang umano’y posibleng paglaya ni Sanchez.

Bagama’t posibleng makinabang si Sanchez at iba pa sa programa, kailangan pa ring marebisa ang record kung karapat-dapat ang mga ito sa ipinatutupad na batas.

Kung makumpirma ang mga napaulat na mga paglabag ni Sanchez sa kulungan, dito isasagawa ang  evaluation at re-evaluation ng monito­ring team at malalaman kung kuwa­lipikado ito.

Magkakatalo sa computation

Ayon naman kay Presidential Spokesman Salvador Pane­lo, magkakatalo na lamang sa computation ng bilang ng taon na dapat ibawas sa sentensiya ni Sanchez.

“Hindi na kakayanin pa ng apela o ng anumang intervention kung lalabas na talagang kuwalipikado si Sanchez para makabenepisyo sa Republic Act 10592,” sabi pa ni Panelo na abogado ni Sanchez noong panahong nililitis ito.

Wika ni Panelo, bahala na ang BUCOR kung paano ire-recompute ang pagbabawas sa sentensya ni Sanchez na umano’y nagpakita ng good behavior dahilan para makasama ito sa mga umano’y nakatakdang lumaya  matapos ang mahigit dalawang dekada.

 May 29, 2013 nang lagdaan ni dating Pangulong Noynoy Aquino ang Republic Act 10592 na nagbabawas ng 15 araw kada buwan sa kulu­ngan ng isang inmate na nagpapakita ng good behavior.

Senate, House Probe

Samantala, takda na ring imbestigahan ng dalawang kapulungan ng Kongreso ang nakaambang paglaya ni Sanchez.

Sinabi kahapon ni Senate Minority Leader Franklin Drilon na papaimbestigahan niya sa kinauukulang komite ng Senado ang Board of Pardons and Parole (BPP) upang malaman kung papaano ang ginawang pagkuwenta sa “good conduct allowance” ni Sanchez.

Ikinagulat ni Drilon, dating Chief Justice nang masentensiyahan si Sanchez, kung papaano nakasama ang panga­lan ng dating mayor sa mga posibleng makalaya dahil sa “good conduct” kahit pa pitong termino na may 40 taong pagkabilanggo ang sentensiya sa kanya.

Pinaiimbestigahan na rin ni House Committee on Justice Vice chairman Alfredo Garbin ang napipintong pagpapalaya kay Sanchez.

Ayon kay Garbin, kaila­ngang tiyakin na naipatutupad nang tama ang Republic Act 10592 o ang conditional expanded Good Conduct Time Allowance (GCTA) at tanging mga karapat-dapat na inmates lang ang makakapag-avail nito. Doris Franche, Rudy Andal, Malou Escudero, Gemma Garcia

 

ANTONIO SANCHEZ
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with