^

Bansa

Lacson kay Duterte: Mahina na nga tayo, inaanunsyo pa natin?

James Relativo - Philstar.com
Lacson kay Duterte: Mahina na nga tayo, inaanunsyo pa natin?
"Ang limit niya talagang i-advertise na 'Wala tayong laban, titirisin lang tayo'... Para bang kausap mo 'yung kapitbahay mong binu-bully ka, lalo mo pang sinasabing 'surrender ako sa'yo,'" dagdag ni Lacson.
The STAR/Geremy Pintolo, file

MANILA, Philippines — Dismayado ang maraming grupo sa pagmamaliit diumano ni Pangulong Rodrigo Duterte sa nangyaring banggan sa pagitan ng sasakyang pandagat ng mga Pinoy (F/B GEM VIR1) at Tsino (Yuemaobinyu 42212) sa Recto Bank.

Napalubog ng Yuemaobinyu 42212 ang F/B GEM VIR1 noong ika-9 ng Hunyo. May lulang 22 Pilipinong mangingisda ang GEM VIR 1.

Kahapon, binasag ni Duterte ang kanyang katahimikan sa insidente.

"Huwag muna tayong makialam. Do not allow a little maritime accident, or intentional, [make us] go to war," kanyang talumpati sa ika-121 anibersaryo ng Philippine Navy sa Cavite.

"Dalawang bangka lang ’yan. Now you go there and create a tension. I said, hindi ako gago na presidente na papayag noon... Huwag kayong maniwala sa mga politiko na bobo, gusto papuntahin yung Navy. You do not send gray ships there."

Ilang beses na rin sinabi ni Duterte noon na hindi kayang makipag-gera ng Pilipinas sa Tsina.

'It's bad enough that we are weak'

Sa panayam ng CNN Philippines kay Sen. Panfilo Lacson, sinabi niyang sana'y huwag nang ipangalandakan ang pagiging mahina ng bansa.

"It's bad enough that we're weak. Don't advertise that we're weak. Magtira ka naman ng konting baraha. Na 'Huwag kayong loloko-loko, meron kaming itinatago,'" sabi niya.

Aniya, para lang daw kasing pumapayag lang ang Pilipinas na maapi sa mga nangyayari sa mga ganitong pahayag.

"Ang limit niya talagang i-advertise na 'Wala tayong laban, titirisin lang tayo'... Para bang kausap mo 'yung kapitbahay mong binu-bully ka, lalo mo pang sinasabing 'surrender ako sa'yo,'" dagdag ni Lacson.

Sa gitna ng "maingat" na tugon ng presidente sa isyu, matatandaang nagbanta naman siya ng digmaan laban sa Canada pagdating sa isyu ng basura.

Matatandaang sinabi ni presidential spokesperson Salvador Panelo na puputulin ng Pilipinas ang diplomatikong relasyon sa Tsina kung mapatunayang "sinadya" ang pagkabangga sa bangkang Pilipino.

Ayon kina Defense Secretary Delfin Lorenzana at Agriculture Secretary Manny Piñol, inimbitahan na raw ng presidente si Chinese Ambassador Zhao Jianhua para magpaliwanag.

Buhay ng mangingisda 'maliit na bagay'?

Hindi naman natuwa ang mga militanteng grupo sa mga sinabi ng pangulo.

"Are the lives of our fishermen of so little importance to the president that he along with his Cabinet are now downplaying the issue?," sabi ni Bayan Muna chair Neri Colmenares sa isang pahayag.

(Hindi ba importante ang buhay ng mga Pilipinong mangingnisda kung kaya't pinaliliit nila ng Gabinete ang isyu?)

Dagdag pa ng Bayan Muna, labag sa international law at batas ng Pilipinas ang ginawa ng mga Tsino.

Tinukoy ni Colmenares, na isang abogado, ang Article 98 ng United Nations Convention on the Law of the Sea, Regulation 33 ng International Convention for the Safety of Life at Sea at  Article 3 Paragraph 2 ng The Convention for the Suppression of Unlawful Acts against the Safety in Maritime Navigation.

"In fact, under Art 375 of the Revised Penal Code on 'Abandonment of Person in Danger and Abandonment of One’s Own Victim,' failure to render assistance to a person whom he shall find in an uninhabited place or in danger is a criminal act.  But President Duterte sided with China despite the testimonies of our Filipino fishermen," paliwanag niya.

(Ang totoo, sinasabi ng Art 375 ng Revised Penal Code na krimen ang hindi pagsaklolo sa isang tao na nasa gitna ng kawalan o nasa peligro. Pero pinili ni President Duterte na panigan ang Tsina kaysa ang mga Pinoy na mangingisda.)

Hindi rin daw totoo na kapag nagreklamo ang Pilipinas ay sasakupin ng Tsina ang bansa lalo na't matapang naman daw ang Vietnam at Taiwan sa pagtutol sa Asian Giant.

Sinabi na ni presidential spokesperson Salvador Panelo na hindi kumakampi ang pangulo China, tinitingnan lang daw ni Duterte ang lahat ng anggulo dahil isa siyang abugado.

Nagprotesta naman ang Defend Job Philippines, Kabataan party-list at iba pa sa Luneta Park ngayong araw kaugnay ng "mabagal na aksyon" ng gobyerno sa insidente.

"There have been numerous accounts of attacks, threats, and harassment documented and reported by our fisherfolk, yet there has not been any single Chinese ship nor crew held accountable," ani Kabataan Rep. Sarah Elago.

(Marami nang nangyaring pag-atake, pananakot at panggigipit na dinanas ng ating mga mangingisda, pero wala ni isang Chinese ship o crew na napanagot.)

"Is this what the Duterte regime claims to be a 'fruitful friendship' with China?"

(Eto ba ang tinatawag ng rehimeng Duterte na "mabungang pakikipagkaibigan" sa Tsina?)

Matatandaang sinabi ng mga mangingisdang Pilipino na iniwan sila sa laot ng mga Tsino matapos ang insidente, bago sila masaklolohan ng mga Vitnamese.

Ngayong araw, sinabi ni Panelo na naghihinala na sila sa ilang testimonya ng mga mangingisda.

Mutual Defense Treaty sa Amerika

Samantala, sinabi naman ni Lacson na sana'y magamit ng Pilipinas ang Mutual Defense Treaty para "madepensahan" ng Estados Unidos ang Pilipinas sa panahon ng digmaan o kagipitan.

"For the longest time, the United States was our big brother," wika ni Lacson.

"Eh nandiyan naman 'yung treaty, may basehan naman tayo. Then, why don't we use that?"

Nitong Biyernes, sinabi ni US Ambassador to Manila Sung Kim na maaaring magamit ang MDT bilang tugon sa mga atake ng mga milisiya o armadong sibilyan sa South China Sea.

"(US Secretary of State Mike Pompeo) made clear that because the South China Sea is part of the Pacific, under the treaty itself, any armed attack on Filipino vessels, Filipino aircraft will trigger our obligations under the Mutual Defense Treaty," ani Kim.

(Inilinaw na ni US Secretary of State Mike Pompeo na dahil parte ng Pasipiko ang South China Sea, anumang armadong pag-atake sa mga barko at eroplanong Pilipino, maaari nitong ma-trigger ang mga obligasyon sa ilalim ng Mutual Defense Treaty.)

Gayunpaman, wala pang nababanggit sa mga paunang pahayag kung gumamit ba ng armas ang Chinese vessel.

Hindi pa naman daw sigurado ang Palasyo kung gagamitin nila ang MDT sa gitna ng mga imbestigasyon.

vuukle comment

BAYAN MUNA

PANFILO LACSON

RECTO BANK

RODRIGO DUTERTE

WEST PHILIPPINE SEA

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with