^

Bansa

Panelo 'di pa masabi kung nangingisda sa Recto Bank ang nakadisgrasyang Chinese vessel

James Relativo - Philstar.com
Panelo 'di pa masabi kung nangingisda sa Recto Bank ang nakadisgrasyang Chinese vessel
Ito'y kahit umamin na ang kapitan ng Chinese fishing vessel, na nakapagpalubog sa F/B Gem-Ver 1, na nangingisda sila sa nasabing lugar.
The STAR/Joven Cagande, File

MANILA, Philippines — Ayaw pang sabihin ng Malacañang kung nangingisda ba o hindi ang mga Tsino sa Reed Bank nang mabangga ang mga Pilipino mangingisda doon noong ika-9 ng Hunyo.

Ito'y kahit umamin na ang kapitan ng Chinese fishing vessel na nakapagpalubog sa F/B Gem-Ver 1 na nangingisda sila sa nasabing lugar.

"No. Not necessarily. Kasi ang sinasabi ni Ambassador Zhao [Jianhua], 'We're still investigating,'" wika ni presidential spokesperson Salvador Panelo sa isang press briefing kanina.

(Hindi. Hindi pa natin masabi. Kasi ang sinasabi ni Ambassador Zhao Jianhua, 'Nag-iimbestiga pa tayo.)

Ang Recto Bank, o Reed Bank, ay matatagpuan sa hilagangsilangan ng Kalayaan na bahagi ng probinsya ng Palawan.

Sakop ito ng Philippine Exclusive Economic Zone, ayon sa desisyon ng Permanent Court of Arbitration noong 2016.

'Sabi nila nangingisda sila'

"'Yan ang sabi nila. Ang problema, hindi naman 'yan ang final statement. That is the version of the captain of the Chinese vessel (Bersyon 'yan ng kapitan ng sasakyang pandagat ng mga Tsino)," dagdag niya.

Ayon sa preliminary investigation ng Tsina, nagsasagawa ng "light purse seine operation" o pangingisda ang Guandong-based Yuemaobinyu 42212 nang "palibutan" daw ng mga pito o walong Filipino fishing boats.

Habang tumatakas, tumama raw ang kanilang kable sa bangka ng mga Pinoy.

Kaiba ito sa sinabi ng mga Pilipino na natutulog sila nang mabangga at takbuhan ng mga Tsino pasado hatinggabi.

Iniligtas na lang daw sila ng mga Vietnamese na ilang milya mula sa lugar matapos ang anim na oras.

Una nang sinabi ni Chinese foreign ministry spokesperson Geng Shuang na "ordinary maritime traffic accident" ang nangyari.

Magkaibang salaysay

Dahil magkaiba ang sinasabi ng mga mangingisdang Pinoy at Tsino, sinabi ni Panelo na gusto raw muna malaman ng gobyerno ang buong katotohanan bago gumawa ng hakbang.

"Oh, kung magkaiba, pag-uusapan natin kung bakit magkaiba... [K]ung sino ang mas tama. Siguro, we need to resolve that to an objective arbiter."

Puwede daw na dalhin ito sa Bilateral Consultative Committee "[b]asta ang importante, let the facts set in," dagdag niya.

Hindi pa naman masagot ni Panelo kung akma na dalhin sa PCA ang pagdedesisyon sa kaso.

"'Yan ang hindi ko alam. I'll leave that to Secretary [Teodoro] Locsin, kasi that's his turf."

Nauna na nang sinabi ni Locsin sa mga tawag na dalhin ang isyu sa international community na "fuck the international community."

Gayunpaman, iniulat na ng Pilipinas ang insidente sa International Maritime Organization at nagpaalala na dapat sundin ang mga kasunduan tungkol sa kaligtasan sa karagatan.

'Ano pa ba hinahanap ni Cusi?'

Samantala, kinundena naman ni Sen. Risa Hontiveros ang pahayag ni Energy Secretary Alfonso Cusi na hindi sadya ang pagbangga ng mga Tsino sa mga Pinoy.

"What additional proof does Secretary Cusi need? For our fishing vessel to be completely wrecked and for people to die?" sabi ng senadora sa isang pahayag.

(Ano pa bang pruweba ang gusto ni Secretary Cusi? Na masira nang husto ang bangkang pangisda at mamatay muna ang mga tao?)

Una nang sinabi ng kalihim na "dumaplis" lang daw ito sa bangka ng mga Pilipino at hindi direktang bumangga.

Pero ang pagpapaliwanag niya, tila kontra-Pilipino daw.

"Cusi's statements effectively side with China when he tried to downplay the severity of the matter," dagdag ni Hontiveros.

(Ang mga pahayag ni Cusi ay pumapabor sa mga Tsino nang maliitin niya kung gaano kalala ang insidente.)

Paglabag sa UNLOS?

Ayon kay Panelo, masyado pa ring maaga para sabihin kung lumabag ang Tsina sa United Nations Convention on the Law of the Sea.

"Premature. Premature pa nga kasi hindi pa nga natin alam ang facts," sabi ng tagapagsalita.

Itinuturing na paglabag sa UNCLOS ang pangingisda ng ibang bansa sa EEZ ng Pilipinas, bagay na itinuturol ngayon ni Supreme Court Senior Associate Justice Antonio Carpio.

"Eh 'di may problema na naman tayo. Buti sana kung inamin nilang iniwan. That's a violation," sabi niya.

"Antayin muna natin... kung talagang iniwan 'yung mga Pilipino sa barko."

Dahil sa "kakulangan ng detalye," sinabi ng Palasyo na masyado pang maaga para humingi ng paumanhin mula sa gobyerno ng Tsina.

"Eh kasi nga, wala pang facts eh," dagdag niya. — may mga ulat mula sa News5

vuukle comment

CHINESE VESSEL

RECTO BANK

SALVADOR PANELO

TERRITORIAL DISPUTE

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with