
Smartmatic mas piniling manahimik
MANILA, Philippines — Kahit sinabihan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Commission on Elections na pagbawalan na ang Smartmatic na makasali sa mga automated elections sa hinaharap, mas pinili ng kumpanya na manahimik.
Sinabi ni Smartmatic-Philippines President Jane Coo na mas pinili nilang huwag magpalabas ng komento hinggil sa pahayag ni Duterte at sa iba’t-ibang panawagan na i-blacklist ang kumpanya.
“Ang Comelec bilang aming customer at siyang binibigyan namin ng solutions sa ngayon, ipinauubaya namin sa kanila ang magkomento sa naturang usapin,” sabi ni Coo.
Ginawa ni Duterte ang panawagan makaraang tinatayang 1,000 sa 85,769 vote counting machines na isinuplay ng Smartmatic ang nasira sa araw ng eleksyon noong Mayo 13. Isinisi ito ng Comelec sa low quality Secure Digital cards na binili ng komisyon mula sa iba’t-ibang supplier para gamitin sa makina.
Pinag-aaralan din ng Comelec ang posibilidad na napakaluma na ng mga vcm na unang ginamit sa halalan noong 2016. Hindi nakabili ng bagong mga makina ang komisyon dahil sa maliit na budget na inilaan ng Kongreso para sa midterm elections.
Bukod dito, nagkaroon ng seven-hour lag sa Comelec transparency server na nagta-transmit ng unofficial election result sa Parish Pastoral Council for Responsible Voting at media group na gumagawa ng quick count.
- Latest