"Ang paninindigan natin ay atin 'yan," sabi ni Locsin a Ingles sa Twitter. "At kinuha nila 'yon."
Presidential photo/File
Locsin: 'Ang tanong lang ay kung paano babawiin ang atin'
James Relativo (Philstar.com) - April 10, 2019 - 2:12pm

MANILA, Philippines — Hindi raw takot si Teodoro Locsin Jr., kalihim ng Department of Foreign Affairs, na makidigma ang Pilipinas sa Tsina para igiit ang karapatan sa West Philippine Sea.

"Ang paninindigan natin ay atin 'yan," sabi ni Locsin a Ingles sa Twitter. "At kinuha nila 'yon."

Kasalukuyang kontrolado ng Tsina ang ilang major features tulad ng Subi Reef, Feiry Reef at Mischief Reef na inaangkin din ng Pilipinas.

Una nang napagtagumpayan ng Pilipinas ang claim kontra sa nine-dash line ng Tsina sa Permanent Court of Arbitration noong 2016.

"Ang tanong na lang ay kung paano natin 'yon babawiin," dagdag niya.

Umani rin ng batikos ang pagtaas ng bilang ng mga umaaligid na Chinese vessels sa Pag-asa Island, na kontrolado ng Pilipinas, dahilan para maghain ng diplomatic protest ang Pilipinas.

Naiulat din ang pangha-harass ng Chinese coast guards sa mga Pilipinong mangingisa na lumalapit sa Panatag Shoal (Scarborough), maliban sa diumano'y dredging activities ng dambuhalang bansa doon.

"Kung ako ang tatanungin, wala akong takot sa digmaan. Isang pag-atake lang nila sa barko ng pamahalaan, pagmumulan 'yan ng Ikatlong Digmaang Pandaigdig sa Estados Unidos, na 'di maaapektuhan ng mga pag-atake mula sa Asya," paliwanag niya.

Una nang sinabi ni Locsin nitong Lunes na nananatili ang Amerika bilang tanging kakampi ng bansa sa usaping militar.

Aniya, bagama't matalino ang pakikipag-kaibigan sa Tsina, wala namang military alliance ang dalawa.

"Natural na kakampi sa Pasipiko ang US at nasa likod naman ng Tsina ang Rusya. Matalino ang pakikipagkaibigan sa Tsina, pero walang alyansang militar. Ang logic ay pagbabalanse sa kapangyarihan," wika niya nitong Lunes.

Matatandaang kinita ni Locsin ang foreign affairs chief ng Tsina ngayong taon at sinabing dapat iisantabi ang mga 'di mapagkasunduan para sa tuloy-tuloy na pakikipag-ugnayan.

'May magagawa ba tayo?'

Kahapon, Araw ng Kagitingan, sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na dapat magpakatatag ang Pilipinas para igiit ang soberanya ng bansa.

"As we hold this solemn observance, it is my hope that we will all be inspired to remain steadfast like our forefathers and their allies in upholding our sovereignty and in protecting the rights and freedoms that our people enjoy today," sabi niya sa isang pahayag.

Pero nitong isang Linggo, sinabi naman ni Digong na gusto lang makipagkaibigan ng Tsina sa Pilipinas.

Sinabi naman ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo ika-25 ng Marso na Tsina talaga ang may kontrol ng West Philippine Sea.

"May magagawa ba tayo? Eh, sila ang may control as of now," wika niya.

Ilang beses nang sinabi ng Palasyo na wala itong planong makipagdigmaan sa Tsina.

Nababahala naman ang ilang militanteng grupo sa patuloy na pakikipagmabutihan ni Duterte kay Chinese President Xi Jinping, at ang kapalit ng mga grant at utang ng Tsina sa Pilipinas. Maaari raw kasing magsuko ng ilang ari-arian at teritoryo ang bansa oras na hindi makapagbayad.

CHINA DEPARTMENT OF FOREIGN AFFAIRS TEODORO LOCSIN JR. TERRITORIAL DISPUTE
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with