Nakuha mula sa mga rebelde ang isang M60 light machinegun, dalawang M16 rifle at isang M14 rifle.
Facebook/Police Regional Office 8
Istasyon ng pulis sa Northern Samar nilusob ng '50 NPA'
James Relativo (Philstar.com) - March 28, 2019 - 2:08pm

MANILA, Philippines — Aabot sa 50 pinaghihinalaang miyembro ng rebeldeng New People's Army ang sumugod sa himpilan ng mga pulis sa bayan ng Victoria, Northern Samar, Huwebes ng madaling araw.

Ayon sa press statement ng Victoria Municipal Police Station, nagawang depensahan ng 15 kawani ng Philippine National Police ang kanilang istasyon mula sa bubungan.

Pinuri naman ni Police Brigadier General Dionardo Carlos ang Victoria MPS, na pinamunuan ni officer-in-charge Police Lieutenant Eladio Alo, sa pagtatanggol sa himpilan.

"I am directing all PNP personnel to always be extra vigilant and alert in their tour of duty within their jurisdiction to preempt similar attacks," ani Carlos.

Umabot ang palitan ng putok bago mag-alas siete ng umaga.

Nasugatan sa engkwentro sina Police Senior Master Segeant Arturo Gordo Jr. at Police Senior Master Sergeant Arnold Cabacang, na agad naman dinala sa pinakamalapit na ospital.

Nakuha mula sa mga rebelde ang isang M60 light machinegun, dalawang M16 rifle at isang M14 rifle.

Umabot naman sa tatlo ang nalagas sa hanay ng diumano'y NPA habang nahuli naman ang isa, na kinilala bilang si Aljon Cardenas, 18-anyos at residente ng Calbayog City. Nasa kostodiya na raw ng Victoria MPS si Cardenas.

Dumating daw ang NPA sakay ng dalawang forward truck at armado ng matataas na kalibre ng baril. 

Nakasuot daw ng "military fatigue" ang mga armadong sosyalista at gumamit ng mga dilaw na tela bilang head band. Ilan sa mga rebelde ay kababaihan.

Wala pa namang pahayag ang CPP-NPA-NDFP sa kanilang website patungkol sa insidente.

Ika-50 anibersaryo

Bukas, ika-29 ng Marso, ang ika-50 anibersaryo ng NPA na naglulunsad ng matagalang digmang bayan sa kanayunan.

Kasama ng Communist Party of the Philippines at National Democratic Front of the Philippines, nagrerebolusyon ang NPA para sa ikababagsak ng "dominasyon ng dayuhan sa Pilipinas," "naghaharing uri sa loob ng gobyerno" at "pagkatali ng magsasaka sa lupa."

Sa pamumuno ng CPP, layon ng NPA na magtayo ng sosyalistang lipunan na batay sa teorya nina Karl Marx, Vladimir Lenin at Mao Zedong.

Noong isang linggo, matatandaang tinapos ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagkakatalaga sa mga miyembro ng government peace panel na humaharap sa NDFP para sa usaping pangkapayapaan.

"I am officially announcing the permanent termination of our talks between the government panel and the Communist Party of the Philippines," sabi ni Duterte sa ika-122 anibersaryo ng Philippine Army.

Inaresto naman ang NDFP peace consultant na si Renante Gamara dalawang araw matapos lusawin ang negotiating panel ng gobyerno sa Kaliwa.

Ilan sa mga inihahain ng NDFP sa pamahalaan sa kanilang mga pag-uusap ay ang Comprehensive Agreement on Social and Economic Reforms, na nagrerekomenda ng mga reporma sa pamahalaan para lutasin ang ugat ng armadong rebelyon.

COMMUNIST PARTY OF THE PHILIPPINES MAOIST REBELLION NEW PEOPLE'S ARMY
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with