Giit ni Panelo, humihingi siya ng tawad 'di dahil mali ang sinabi ngunit dahil nasaktan ang damdamin ng kapatid ni Santiago.
Facebook/Salvador Panelo
Sorry not sorry: Panelo nanindigang 'void' ang ICC appointment ni Miriam
James Relativo (Philstar.com) - March 26, 2019 - 4:58pm

MANILA, Philippines — Bagama't nasaktan ang kapatid ng yumaong dating Sen. Miriam Defensor-Santiago, hindi raw babawiin ng Palasyo ang posisyong "invalid" ang appointment niya sa International Criminal Court.

Tinawag kasi itong "iresponsable," "bastos" at "malisiyo" ni Linn Defensor Evangelista, nakababatang kapatid ni Santiago, sa isang Facebook post.

Giit ni Panelo, humihingi siya ng tawad 'di dahil mali ang sinabi ngunit dahil nasaktan ang damdamin ng kapatid ni Santiago.

"I will apologize for hurting her feelings. But I think she misunderstood what I said yesterday," sabi ni Panelo sa press briefing nitong Martes.

Aniya, sa simula't sapul daw kasi ay hindi naman sakop ng ICC ang Pilipinas — kung kaya't balewala raw ang kanyang pagkakatalaga roon.

Banggit niya, hinihingi raw ng kasi ng konstitusyon na mailathala sa Official Gazette at pahayagan ang batas bago maipatupad. Hindi ito ginagawa sa mga tratado o kasunduan at walang section ang Official Gazette para rito.

"[T]he Rome Statute never was published in a newspaper of general circulation nor published in The Official Gazette. That is why [in] the theory of the president, we were never under their jurisdiction," ani Panelo.

Tinutukoy niya ang pagpirma ng Pilipinas sa Rome Statute, ang tratado na lumikha sa ICC.

Ito ang korteng nag-iimbestiga at naglilitis sa mga international crimes gaya ng "genocide, war crimes, crimes against humanity" at "crime of aggression."

"[T]he logical consequence of a theory that we had never been under the jurisdiction of the ICC."

Kahit sinasabi ng Malacanang na 'di naging bahagi ang Pilipinas ng Rome Statute kahit kailan, bumaklas ito sa ICC noong ika-17 ng Marso.

'Kung buhay si Miriam, durog si Panelo'

Sa paskil ni Evangelista, sinabi niyang 'di patas ang ginagawa ng gobyerno sa kanyang kapatid.

"[M]y sister is gone- she cannot argue and defend her belief that the ICC is a legitimate entity and that the Philippines is a valid member. We (myself and those who keep Miriam’s legacy alive) are no match as to how Miriam would have pulverized the arguments of this Duterte administration’ spokesperson," sabi niya.

Itinaggi naman ng tagapagsalita na pambabastos ito sa ala-ala ng senadora.

"It was not offensive. I think it was misunderstood... I am an admirer and a friend of the late Miriam Defensor-Santiago," sabi niya.

Kasalukuyang nagpapatuloy ang preliminary examination ng ICC tungkol sa reklamong "crimes against humanity" laban kay Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay ng madugong gera kontra droga.

Santiago at ang ICC

Hinalal si Santiago ng Assembly of States Parties ng ICC noong ika-12 ng Disyembre taong 2011 sa New York.

Siya ang unang Pilipino at Asyano mula sa papalagong bayan na umupo sa ICC.

Magsisilbi sana siya ng siyam na taon sa international court ngunit bumaba sa pwesto Hunyo taong 2014 dahil sa "Chronic Fatigue Syndrome."

Sa kabila ng pakikipagbuno sa karamdaman, tumakbo pa rin siya sa pagkapangulo noong Mayo 2016.

Gayunpaman, natalo siya ni Duterte at nagtapos sa ika-limang pwesto.

Namatay siya sa edad na 71 noong Setyembre taong 2016 dahil sa sakit na lung cancer.

INTERNATIONAL CRIMINAL COURT MIRIAM DEFENSOR-SANTIAGO SALVADOR PANELO
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with