Sa litratong ito noong ika-20 ng Disyembre taong 2018, makikita ang mga pinaghihinalaang maritime militia ng Tsina malapit sa Pag-asa Island (Thitu).
Asia Maritime Transparency Initiative
Palasyo: China ang may kontrol ng West Philippine Sea
James Relativo (Philstar.com) - March 25, 2019 - 5:09pm

MANILA, Philippines — Aminado ang Palasyo na Tsina ang may kontrol sa mga teritoryo ng Pilipinas na bahagi ng South China Sea.

Sa press briefing kanina, ito ang ibinahagi ni presidential spokesperson Salvador Panelo matapos matanong patungkol sa diumano'y panibagong panggigipit ng Chinese coast guard sa mga mangingisdang Pilipino.

"May magagawa ba tayo? Eh, sila ang may control as of now," banggit ni Panelo sa media.

Maliban sa presensya ng Tsina sa mga nasabing katubigan, kilala ang bansa sa pagtatayo ng mga artipisyal na isla sa Spratlys, na inaangkin din ng Pilipinas.

Kaugnay ng mga nasabing construction, nagsumite naman ng "communication" sa International Criminal Court sina dating foreign affairs Secretary Albert del Rosario at dating Ombudsman Conchita Carpio-Morales para makapagsimula ng preliminary examination dahil sa epekto nito sa kalikasan at mga mangingisda, na maituturing daw na "crimes against humanity."

"'Di ba they have control kasi nagtayo sila ng ano nila doon, pwersa nila. Meron silang island doon. May mga military sila doon."

Sa ngayon, tanging paghahain ng protesta at pakikipag-usap lang daw ang kayang gawin ng bansa kung totoong may mga panibagong panggigipit.

'Sa inyo na nga ang lahat, ibigay niyo na sa amin 'yan'

Mas mainam na raw ito kaysa makipagdigma sa makapangyarihang bansa.

"Kasi ang style nga ni presidente [Rodrigo Duterte], since... wala naman maka-enforce noon [arbitral ruling], mag-usap na lang tayo. Kumbaga, 'Oh kayo naman, sa inyo na nga ang lahat, amin na lang, ibigay niyo na sa amin 'yan.'" dagdag niya.

Tinutukoy ni Panelo ang mga nangyayaring bilateral talks sa pagitan ng Pilipinas at Tsina, bagay na epektibo naman daw kung kaya't "nabawasan" ang tensyon at nawala ang pantataboy ng mga mangingisdang Pilipino.

Ginagawa ang mga pag-uusap sa kabila ng pagkapanalo ng Pilipinas sa Permanent Court of Arbitration noong 2016. 

Dito, binalewala ng Hague-based international tribunal ang nine-dash line claim ng Tsina pagdating sa buong South China Sea.

Kasalukuyang ina-angkin ng Pilipinas ang West Philippine Sea, na bahagi ng South China Sea.

"Eh ang problema nga eh, outside of negotiation, anong gagawin ba natin?" wika ng tagapagsalita.

Siniguro naman niya sa publiko na hindi ito nangangahulugang binibitiwan ng bansa ang claim sa West Philippine Sea.

Giit nila, lagi naman silang naglalabas ng mga pahayag at diplomatic protests, ngunit hindi ito gaano nilalathalata.

"What is important is we are not agreeing with what they are doing to us. No, we're not allowing it. We're opposing it," paliwanag niya.

CHINA TERRITORIAL DISPUTE WEST PHILIPPINE SEA
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with