Umabot na sa 55 ang namamatay mula sa tigdas sa San Lazaro Hospital simula Enero. Karamihan, nasa pagitan ng tatlong buwan hanggang apat na taong gulang.
File
Measles outbreak idineklara sa Metro Manila, Central Luzon
(Philstar.com) - February 6, 2019 - 8:56pm

MANILA, Philippines — Kinumpirma na ng Department of Health na mayroong outbreak ng tigdas sa Metro Manila at Central Luzon.

Sa ulat ng ABS-CBN News, sinabi ni DOH Secretary Francisco Duque na tumaas ng 550 porsyento ang kaso ng tigdas sa Kamaynilaan mula ika-1 ng Enero hanggang ika-6 ng Pebrero 2019 kumpara sa parehong panahon noong 2018. Mula sa dating 26, umakyat ito sa 169 sa Metro Manila.

Umabot na sa 55 ang namamatay mula sa tigdas sa San Lazaro Hospital simula Enero. Karamihan, nasa pagitan ng tatlong buwan hanggang apat na taong gulang. 

Mahigit-kumulang nasa 248 bata naman ang sumasailalim sa gamutan sa San Lazaro Hospital, umaga noong Martes.

Sa Central Luzon, outbreak din ang sinasabi ni Jesse Fantone, hepe ng Regional Epidemiology and Surveillance Unit ng DOH.  

Tumaas naman ng 547 porsyento ang kaso ng tigdas sa buong Pilipinas. Mula sa dating 791 noong 2017 ay umabot na ito sa 5,120 noong 2018.

Muling hinimok ng DOH ang mga magulang na pabakunahan ang kanilang mga anak upang maiwasang tumaas pa ang bilang ng mga biktima.

Pagbaba ng vaccinations dahil sa PAO?

Kasalukuyang naiipit sa bangayan ang DOH at Public Attorney's Office tungkol sa epekto ng mga bakuna kaugay ng kontrobersiya sa Dengvaxia.

Umani ng batikos ang P3.5 bilyong Dengvaxia project nang ipatupad ni dating Pangulo Benigno Aquino III matapos mapag-alamang maaaring mailagay sa mas malaking peligro ang mga mabibigyang hindi pa nakakukuha ng dengue.

Isinisisi ng PAO sa Dengvaxia ang pagkamatay ng ilang batang naturukan ng naturang bakuna.

Iniuugnay ngayon ng DOH ang pagbaba ng mga nagpapabakuna dahil sa paninira diumano ni PAO chief Persida Acosta.

"Bilang resulta, nakita natin ang pagbaba ng tiwala ng taumbayan sa mga bakuna at pagtaas ng mga kaso ng tigdas at iba pang sakit na maiiwasan gamit ang mga bakuna," ayon kay Duque sa wikang Ingles.

Umiwas naman si Vice President Leni Robredo sa paninisi kay Acosta, na naghain ng mga kaso kaugnay ng Dengvaxia.

Aniya, mas mainam na humanap na lang ng solusyon sa pagbaba ng bilang ng immunization.

"[I]yong sa akin kasi, ayaw ko siyang maging word war. Iyong para sa akin, hintuin iyong finger-pointing, pero mag-move forward at maghanap ng solusyon," ani Robredo sa isang panayam kanina sa UP Bahay ng Alumni.

Paliwanag ni Robredo, hindi ito ang panahon ng sisihan lalo na't hindi lang daw isa ang may sala.

"Hayaan na natin iyong mga authorities na sila iyong gumawa ng imbestigasyon kung sino iyong mga taong nagpa-erode ng tiwala ng tao dito, pero dapat mas hanapan natin ng strategy para mabawi iyong kasamaan na nangyari," dagdag ng ikalawang pangulo. — James Relativo

DEPARTMENT OF HEALTH MEASLES PERSIDA ACOSTA
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with