Makikita ang paglangoy at pagtatampisaw sa tubig ng Manila Bay ng ilang kabataan sa litratong ito.
The STAR/Edd Gumban, File
DOH: Huwag munang lulusong sa Manila Bay
James Relativo (Philstar.com) - February 4, 2019 - 6:58pm

MANILA, Philippines — Sa kabila ng rehabilitasyon ng Manila Bay, inabisuhan ng Department of Health ang publiko na huwag munang lumangoy sa naturang look hangga't hindi pa ito nasusuri ng mga eksperto.

Sa mga kumakalat kasing litrato't video ng "mas malinis" na Manila Bay, kapansin-pansin na dinadayo at pinagtatampisawan na ito ng ilan.

"While the clean-up is ongoing, the public is strongly advised to wait until the waters are deemed safe for recreational swimming (Habang nagsasagawa ng paglilinis, mahigpit na inaabisuhan ang publiko na hintayin munang madeklara ang anyong tubig na ligtas para languyan)," sabi ng opisyal na pahayag ng DOH sa Facebook.

Aniya, kinakailangan munang dumaan sa chemical at physical testing ang kaledad ng tubig. Isa raw sa mahalagang sumailalim sa pag-aaral ay ang "coliform levels" nito.

Iniuugnay ang coliform sa mga contaminants tulad ng fecal matter (dumi ng hayop o tao). 

Ayon sa DOH, kinakailangang mas mababa sa 100 MPN per 100 milliliters ang lebel ng coliform para matawag na ligtas.

"The DOH is coordinating with the Department of Environment and Natural Resources and awaiting the latest test results (Nakikipag-ugnayan na ang DOH sa Department of Environment and Natural Resources at naghihintay ng mga pinakahuling resulta ng test)," dagdag ng departamento.

Maaalalang sinabi ng DENR na target nilang malinis ang look hanggang sa ito'y "ligtas na para malanguyan."

Pwedeng panggalingan ng sakit, kamatayan

Babala ng DOH, maaaring makakuha ng sari-saring karamdaman mula sa paglangoy sa kontaminadong tubig.

"Waterborne gastrointestinal diseases such as diarrhea, cholera, typhoid [fever], dysentery, as well as skin diseases and eye infections may be acquired while swimming in polluted bodies of water (Maaaring makakuha ng diarrhea, cholera, typhoid fever, dysentery, maging mga sakit sa balat at impeksyon sa mata mula sa paglangoy sa maruming tubig)," pahayag nila.

Kung hindi malulunasan, maaari raw mauwi sa mga komplikasyon o kamatayan ang pasyente.

Hinimok din nila ang lahat na maging malinis sa pangangatawan at patuloy na suportahan ang rehabilitasyon ng nabanggit na anyong tubig.

Humaharap ngayon ang rehabilitasyon sa kritisismo dahil sa mga alegasyon ng reclamation projects.

Banggit ng Kadamay at Kalikasan People's Network for the Environment, mapalalayas daw ang 300,000 pamilya kaugnay nito.

DEPARTMENT OF HEALTH MANILA BAY REHABILITATION
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with