Sinabi ng presidente na mahusay para sa kalusugan ng mga bata ang bakuna bilang proteksyon mula sa tigdas, polio at hepatitis.
File
Duterte: 'Wag matakot sa bakuna
(Philstar.com) - January 31, 2019 - 5:48pm

MANILA, Philippines — Hinimok ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga magulang na huwag katakutan ang mga bakuna kahapon matapos bumaba ang immunization coverage ng mga bata bunsod ng krisis sa Dengvaxia.

Sinabi ni Duterte na marami pang ibang pagpipilian ang mga magulang kung wala silang tiwala sa Dengvaxia, ang bakunang itinuturong dahilan sa pagkamatay ng ilang estudyante.

"Simula ng kontrobesiya, marami nang pamilya sa Pilipinas, hindi lang sa Malabon, na takot sa pagpapabakuna. Ayaw na nila," sabi ng pangulo sa Ingles habang nangyayari ang groundbreaking ng isang ospital doon.

"Walang kayong pakasisiguro at maging kampante dahil kailangan 'yan ng mga sanggol. Kung ayaw niyo ng Dengvaxia, okey lang," dagdag niya.

Sinabi ng presidente na mahusay para sa kalusugan ng mga bata ang bakuna bilang proteksyon mula sa tigdas, polio at hepatitis.

Umani ng batikos ang P3.5 bilyong Dengvaxia project matapos ipatupad ni dating Pangulo Benigno Aquino III matapos mapag-alamang maaaring mailagay sa mas malaking peligro ang mga mabibigyang hindi pa nakakukuha ng dengue.

Itinanggi naman ni Aquino na inisasantabi niya ang kaligtasan ng mga bata at tinutulan ang diumano'y pamumulitika sa isyu.

Inihabla na ang mga dati at kasalukuyang opisyal ng Department of Heath, executives ng gumawa ng Dengvaxia na Sanofi Pasteur at pharmaceutical firm na Zuellig Pharma Corp. dahil sa pagkamatay diumano ng ilang esudyanteng naturukan nito.

Siniguro naman ng DOH na lagi silang handa para magbigay ng bakuna.

Giit ni Health Secretary Francisco Duque III, hindi dapat palampasin ng mga magulang ang ibinibigay na libreng bakuna sa ilalim ng Expanded Program on Immunization.

"Nagpapasalamat ako kay Pangulong Duterte sa pagsang-ayon. Umaapela ako sa mga magulang na kunin ang opurtunidad na ito para protektahan ang mga anak nila mula sa mga sakit na kayang maiwasan sa pamamagitan ng bakuna," ani Duque sa Ingles.

Sa isang panayam sa telepono, nanawagan si Duque sa mga kritiko na tigilan ang pagpapakalat ng maling balita tungkol sa dengue vaccnation dahil nakaaapekto ito sa immunization program ng pamahalaan.

Bangayang DOH-PAO

Mainit pa rin ang iringan ngayon sa pagitan ng DOH at Public Attorney's Office bunsod ng mga panibagong pahayag ni PAO chief Persida Acosta.

Sa isang panayam kasi sa radyo, pinaratangan daw ni Acosta ang DOH na nagbayad ng P50,000 sa apat na pamilya kapalit ng pagbawi ng isinampang kaso.

Sinabi ni Duque na malisyoso, walang batayan at kasinungalingan ang panibagong akusasyon.

"Ang mga walang batayang pahayag na ito ay lubhang makapipinsala sa aming reputasyon bilang primary government entity na may mandatong magprotekta sa kalusugan ng bawat Pilipino," sabi ni Duque sa Ingles sa Twitter.

"Bilang resulta, nakita natin ang pagbaba ng tiwala ng taumbayan sa mga bakuna at pagtaas ng mga kaso ng tigdas at iba pang sakit na maiiwasan gamit ang mga bakuna."

Nakararanas na raw ng pambubully at harassment ang mga staff ng DOH bunsod ng mga ipinakakalat na balita laban sa epekto ng mga bakuna.

Magpalakas dahil panahon ng trangkaso

Inudyok naman ni Duque ang publiko na palakasin ang kanilang mga resistensya para makaiwas sa mga karamdaman.

Ayon kay Duque, madalas tumaas ang kaso ng mga influenza-like ilnnesses tuwing malamig ang panahon ngunit maiiwasan naman daw ito kung healthy ang lifestyle ng tao.

"Madali naman 'yang maiwasan basta inaalagaan natin ang sarili nang maayos. Kailangang mapalakas ang resistensya sa pamamagitan ng pag-eehersisyo," dagdag ng kalihim.

Inabisuhan din niya ang publikong uminom ng pito hanggang walong baso ng tubig araw-araw at mga juice na mataas sa bitamina.

Mainam din daw sa katawan ang vitamins A, B, C, E at zinc, at napalalakas daw ng zinc ang lalamunan mula sa mga impeksyon tulad ng laryngeal pharyngitis. – James Relativo

DENGVAXIA DEPARTMENT OF HEALTH PAO RODRIGO DUTERTEO VACCINES
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with