Ilang kritiko sa pangunguna ng Unity Child Rights Advocates Against Inhumane Treatment and Neglect of Children (UNCHAIN Children) ang nagsagawa ng kilos-protesta kahapon sa labas ng gusali ng House of Representatives para kondenahin ang pag-endorso ng justice committee nito sa panukalang batas na nagbababa ng minimume age ng criminal responsibility ng mga bata.
(Kuha ni Michael Varcas)
9 anyos aprub sa House body
Rudy Andal, Joy Cantos, Malou Escudero, Gemma Garcia (Pilipino Star Ngayon) - January 22, 2019 - 12:00am

Sa minimum na edad sa pananagutang kriminal

MANILA, Philippines — Inaprubahan na ng House Committee on Justice ang panukalang batas na nagbababa sa edad ng criminal liability sa siyam na taong gulang gulang mula sa 15 taong gulang.

Ayon kay Oriental Mindoro Rep. Salvador “Doy” Leachon, pinuno ng komite, gumagawa ang kongreso ng mga batas upang pangalagaan ang mga bata base na rin sa itinatadhana ng 1987 Constitution.

Paliwanag pa ni Lea­chon na napapanahon na para magpasa sila ng batas para pangala­gaan ang mga bata laban sa mga sindikato sa gumagamit sa mga kanila

Base rin umano sa kanilang pag-aaral, ginagamit ng mga sindikato ang mga bata para  gumawa ng krimen dahil ligtas sila sa criminal liability.

Layon umano ng panukala na baguhin ang mga bata at hindi ikulong saka ibalik sa lipunan kapag nagbago na sila.

Sa ilalim ng panukala, ang mga bata na gagawa ng krimen ay dadalhin sa Bahay Pag-asa, Agricultural Centers at Industrial Parks na pangangasiwaan ng Department of Social Welfare and Development, Bureau of Corrections at TESDA.

Hindi rin umano tata­gurian ang mga akusadong bata bilang mga kriminal kundi “children in conflict with the law”.

Ang pangunahing layunin umano ng panukala ay habulin ang mga sindikato na gumagamit sa mga bata kaya ang maximum penalty  sa kanila ay reclusion temporal o 12-20 taong pagkakabilanggo.

Habang reclusion perpetua o 20-40 taong pagkakabilango naman sa indibidual na gumagamit sa mga bata kapag ang krimen na ginawa ng mga bata ay may karampatang parusa na anim na taon.

Ang mga magulang naman ay sasailaim din sa katulad na program intervention sa Bahay Pag-asa at kapag hindi sila sumunod ay ikukulong sila.

Didinggin naman nga­yong araw sa Senado ang panukalang batas na naglalayong ibaba ang edad ng criminal liability na kabilang sa prayoridad ng Mataas na Kapulu­ngan.

Naniniwala si Senate President Vicente “Tito” Sotto III na dapat maipasa ang panukala bago matapos ang 17th Congress kaya isasalang na ito sa pagdinig ng Committee on Justice and Human Rights na pinamumunuan ni Senator Richard Gordon.

Sa panukala ni Sotto, nais nitong ibaba sa 12 ang maaaring sampahan ng kasong kriminal.

Samantala, walang nakikitang problema ang Malakanyang sa natu­rang panukalang batas.

Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na ang layunin ng panukalang batas ay protektahan ang mga batang menor de edad na malimit gamitin ng mga sindikato at elementong kriminal.

 Inihayag ni Panelo na naniniwala ang mga mambabatas na ang siyam na taong gulang ay mayroon nang sapat na pag-iisip kung ano ang mabuti at masama.

Ayon din kay Philippine National Police Chief /Director General Oscar Albayalde, sa naturang panukalang-batas, hindi na magagamit pa o magdadalawang isip  ang mga sindikatong kriminal na gamitin ang mga batang nagkakaedad 9 anyos sa anumang uri ng kriminalidad.

Idiniin ni Albayalde na ito’y sa kadahilanang ginagamit din ng mga sindikatong kriminal ang mga bata upang makalusot sa batas.

CRIMINAL LIABILITY HOUSE COMMITTEE
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with