Si dating Sen. Bong Revilla matapos maabswelto ng Sandiganbayan sa kasong plunder.
Boy Santos
Bong Revilla abswelto sa plunder
Gemma Garcia (Pilipino Star Ngayon) - December 8, 2018 - 12:00am

Napoles, Cambe guilty

MANILA, Philippines — Inabswelto ng Sandiganbayan 1st Division si dating Sen. Ramon “Bong” Revilla Jr. sa  kasong plunder kaugnay sa multi-bilyon pisong pork barrel scam.

Sa botong 3-2 ng kor­te, sinabi nitong bigo ang prosekusyon na patuna­yan na binulsa ni Revilla ang tinatayang P224 mil­yong “kickback” mula sa kanyang Priority Deve­lopment Assistance Fund (PDAF) nong senador pa siya na idinaan daw sa “bogus” non-government organizations (NGO) ni Janet Lim Napoles mula 2006 hanggang 2010.

Ang tatlong hukom na umabsuwelto kay Revilla ay sina Geraldine Econg, Edgardo Caldona, at Georgina Hidalgo habang kumontra dito sina Efren de la Cruz and Maria Theresa Dolores Gomez-Estoesta.

Samantala, reclusion perpetua o 20-40 taong pagkakabilanggo naman ang naging hatol ng hukuman kay Napoles at sa da­ting chief of staff ni Revilla na si Atty. Richard Cambe sa parehong kaso.

Kaagad namang nag­piyansa si Revilla ng P480,000 sa kanyang pansamantalang kala­yaan para sa 16 pa niyang kasong graft. Matapos ang pagdinig ay muling ibinalik ang dating senador sa PNP Custodial Center para doon na lamang hintayin ang release order ng korte.

Bagamat inabswelto, pinasosoli ng korte sa dating senador at kina Napoles at Cambre ang halagang P124 milyon.

Ayon sa abogado ni Revilla, na si Atty. Ramon Esguerra, maghahain sila ng Motion for Reconsi­deration (MR) kaugnay sa kautusan na isoli ang nasabing halaga, dahil paano umano naging civil liable ang kanyang kli­yente gayung abswelto na ito sa kasong kriminal.

Maghahain din ng MR sa korte ang aboga­do ni Napoles na si Atty. Stephen David dahil sa guilty verdict ng Sandiganbayan.

Batay sa rekord ng kaso, Abril 2014 nang ipinag-utos ni dating Ombudsman Conchita Carpio Morales ang pagsampa ng kasong plunder kina Revilla, Atty. Cambe at Napoles.

Pormal namang isi­nampa ng Ombudsman ang kaso laban kina Revilla noong Hunyo 5, 2014.

Sumuko si Revilla sa anti-graft court noong Hunyo 20, 2014 at sa su­munod na buwan ay si­nimulan ang pagdinig sa paglalagak ng piyansa ng dating senador subalit naibasura ito noong Dis­yembre ng naturang taon.

Pagkatapos nito ay sumangguni si Revilla sa Korte Suprema para iprotesta ang desisyon ng Sandiganbayan pero Hulyo 2018 ay ibinasura rin ng kataas-taasang hukuman ang nasabing kahilingan ng dating senador

Nitong Agosto 9, 2018 lang tinapos ng prosekusyon ang pagprisinta ng mga ebidensya kontra kay Revilla.

Habang noong Oktubre ay naghain ng kanyang kandidatura o COC si Revilla sa pamamagitan nang kanyang misis na si Bacoor City Mayor Lani Mercado na nagtungo sa Comelec head office.

Alas-6:30 kagabi nang makalabas ng PNP Custodial Center si Revilla.

Samantala, nagpasa­lamat naman ang pamilya Revilla sa pagkaka-abswelto ng dating senador.

“The Revilla family and the people of Cavite welcome the decision by Sandiganbayan acquitting Senator Bong Revilla of any charges. We are very happy that truth prevailed,” pahayag ni Cavite 2nd District Rep. Strike Revilla, na kapatid ni Bong Revilla.

“Our family is thankful that Senator Bong will finally be free, and this is our best Christmas gift. We thank our God, the people of Cavite, and our supporters for this wonderful present,” dagdag ni Strike. (Dagdag ulat ni Joy Cantos)

PORK BARREL SCAM RAMON “BONG” REVILLA JR.
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with