P5 fare hike sa LRT kasado
Pantustos sa Cavite Extension
MANILA, Philippines — Magtataas ng P5 pasahe ang Light Rail Transit (LRT) 1 upang masiguro ang itatayong Sucat, Las Piñas at Bacoor extension.
Layunin umano nito na mapabilis ang konstruksyon ng naturang extension para masolusyunan ang lumalalang problema sa trapiko.
Kapag naipatayo na ang nasabing ekstensiyon, nasa 300,000 residente mula sa Sucat, Las Piñas at Bacoor ang mabebenepisyuhan at mabilis na makakauwi sa kani-kanilang tahanan mula sa Baclaran.
Sa sandaling maitayo ang P30 bilyong Cavite Extension, aabot na lamang sa 15-minuto ang biyahe patungong Sucat, 20-minuto naman sa Las Piñas at 30-minuto sa Bacoor.
“We can virtually guarantee these travel times because we are traffic free. And we are investing P5 for every P1 revenue to ensure that LRT-1 is efficient, trouble free, and also clean. Today, trains come every 3.5 minutes, down from 5 minutes when LRMC took over operations and maintenance in 2015,” ayon kay Juan Alfonso, presidente ng Light Rail Manila Corporation (LRMC) na siyang operator ng LRT1.
Ayon kay Alfonso, ang dagdag na P5 pasahe sa LRT1 ang magbibigay ng kumpiyansa sa mga bangko para pautangin ang LRMC bilang pondo sa itatayong Cavite Extension.
Nilinaw din ni Alfonso, ang dagdag na P5 ay kasing halaga rin ng pasahe sa bus na P25, mas bababa kumpara sa pasahe sa taxi at transport network company (TNC).
“LRT-1 is the solution to the traffic problem caused by the high population density and urbanization of Metro Manila,” giit nito alinsunod na rin sa JICA traffic study na kung saan ang halaga ng trapik na nararanasan sa Metro Manila ay umaabot sa P3.5 bilyon kada araw.
“If we do nothing, it will become P5.4 billion a day in 2034, but by accelerating infrastructure projects, it can be reduced to P3 billion a day. And with projects like the Cavite Extension, this can be further reduced to P2.4 billion a day,” diin Alfonso.
Ang naturang Cavite extension ay aabot ng 35 kilometers mula Roosevelt sa Quezon City patungong Niog, Bacoor sa Cavite.
Ang travel time nito mula Bacoor patungong Central Station sa Manila ay 45 minuto at kung papuntang Roosevelt Station naman ay aabot sa 1 oras at 10 minuto kahit na rush hours.
- Latest