Security escorts ni Trillanes ibinalik
MANILA, Philippines — Inatasan na ni PNP Chief Police Director General Oscar Albayalde ang Police Security and Protection Group (PSPG) na bigyan pansamantala ng police security si Sen. Antonio Trillanes.
Ito’y habang wala pang resulta ang comprehensive review ng PNP sa lahat ng protective security personnel ng PSPG sa pagbibigay ng security personnel sa mga kwalipikadong Very Important Persons (VIPs) kabilang na rito ang elected at appointed officials gayundin ang mga pribadong indibidwal.
Ayon kay Albayalde, ang kanilang nasimulang hakbang kamakailan lang ay para ma-maximize ang paggamit ng human resources na ang pangunahing layunin ay masuri ang functions ng mga pulis partikular na sa security needs ng mga key officials at pribadong indibidwal.
Bukod dito, ang comprehensive review umano ay bahagi na rin ng pro-active measure ng PNP para masiguro na ang mga police personnel ay hindi nagagamit ng mga VIP para sa economic or political na kadahilanan habang paparating na ang eleksyon.
Kaya habang hindi pa natatapos ang comprehensive review ng PNP ay ipinag-utos ni Albayalde ang pagbabalik ng security escorts ni Trillanes.
Matatandaan na inalis ang dalawang security detail ni Trillanes dahil umano sa lumang regulasyon ng PNP na tinawag na “Alunan doctrine” kung saan nagtatakda na ang mga opisyal ng gobyerno ay dapat mayroon lamang dalawang bodyguards.
- Latest