2 lady cops na dinukot iprinisinta kay Digong
MANILA, Philippines — Pormal nang iprinisinta kahapon kay Pangulong Rodrigo Duterte ang dalawang babaeng pulis na dinukot at pinalaya ng mga pinaghihinalaang miyembro ng Abu Sayyaf Group (ASG) sa Sulu.
Ang dalawang lady cops na sina Police Officer 2 Benierose Alvarez at Police Officer 1 Dinah Gumahad na dinukot ng mga armadong kalalakihan noong Abril 29 sa bayan ng Patikul ay nabawi sa tulong ni Moro National Liberation Front (MNLF) chair Nur Misuari.
Personal na sinundo ni Presidential Peace Adviser Jesus Dureza kasama si Misuari ang dalawang PNP officers at iprinisinta nila sa Pangulo.
“Since day one, President Duterte instructed us to work on the safe release of the victims,” sabi ni Dureza.
Kasama rin sa nangyaring handover sina AFP Chief of Staff Carlito Galvez, PNP Chief Dir. Gen. Oscar Albayalde, at Sulu Task Force head Gen. Cirilito Sobejana.
Ayon sa ulat, kalalabas lamang mula sa Camp Teofilo Bautista na malapit sa Jolo Airport ng sinasakyang tricycle ng dalawang pulis nang parahin ito ng mga suspek na diumano’y miyembro ng ASG at dukutin kasama ang dalawa pang sibilyan na una na ring pinalaya.
Sina Gumahad at Alvarez ay isinailalim na sa medical examination at debriefing ng militar. - Joy Cantos
- Latest