Visa ni Sister Fox kinansela ng BI, pinapaalis na ng Pinas
MANILA, Philippines — Kinansela na ng Bureau of Immigration ang missionary visa ni Australian Missionary Patricia Fox dahil umano sa pagsama ng dayuhang madre sa mga “partisan political activities”.
Binigyan lang ni BI Commissioner Jaime Morente si Sister Fox ng 30 araw mula sa petsa nang pagtanggap niya ng kautusan para umalis sa bansa.
Ayon kay Morente, ang hawak na visa ni Fox ay para lamang sa kanyang missionary work sa bansa.
“She (Fox) was found to have engaged in activities that are not allowed under the terms and conditions of her visa. We direct Fox to leave the Philippines within 30 days from receipt of this order,” wika ni Morente.
Suportado naman ng Malacañang ang naging pasiya ng BI na ipawalang-bisa ang missionary visa ni Fox.
Ayon kay Presidential spokesperson Atty. Harry Roque, dumaan sa proseso ang kinasangkutang kontrobersiya ni Fox sa paraang nagkaroon ng preliminary investigation at mula duo’y napatunayang nanghimasok ito sa usaping pulitika.
Bilang missionary, sinabi ni Roque na pagpapakilala sana ng relihiyon ang dapat na ginagawa ni Fox ngunit malinaw aniyang ito’y nanghimasok at nakilahok sa political activities.
Paglilinaw pa ni Roque, ni-revoke lang naman ang visa ng dayuhang misyonaryo at maaari pa rin itong makabalik sa bansa bilang isang turista.
Samantala, aapela naman ang kampo ng madre sa BI at nakahanda nilang kuwestyunin ito sa Court of Appeals o Supreme Court.
- Latest