PNPA topnotcher sasabak sa SAF
MANILA, Philippines — Handang sumabak sa elite Special Action Force (SAF) ang itinanghal na valedictorian mula sa 106 kadete na nagsipagtapos sa Philippine National Police Academy (PNPA) sa ginanap na graduation ceremony sa Camp General Mariano Castañeda, Silang, Cavite kahapon.
Sa kaniyang valedictory speech, sinabi ni Cadet Fritz John Vallador, 24 anyos, na ipinagmamalaki niyang isa siyang probinsyano na taga Negros Occidental at agad siyang sasabak sa pagsasanay sa SAF na siyang utos ni PNP Chief P/Director Gen. Ronald dela Rosa.
Ayon kay Vallador bilang probinsyano sa Himamaylan, Negros Occidental bata pa lamang siya ay naranasan na ang hirap ng buhay mula sa panghuhuli ng isda, paglalako ng kamote, saging at iba pa kung saan ang kahirapan ang nagsilbing daan upang magsumikap siya sa buhay hanggang sa makamit ang tagumpay.
Hindi nakadalo ang ina ni Vallador na isang domestic helper sa Spain subalit dumalo naman ang kanyang guardian na si Nelia Diocares na nagpalaki rito.
Ang mga nagsipagtapos ay awtomatikong bibigyan ng ranggong Inspector at manunumpa sa PNP Chief.
- Latest