^

Bansa

Divorce Law, handa na ba ang Pinoy?

Gemma Garcia - Pilipino Star Ngayon
Divorce Law, handa na ba ang Pinoy?

MANILA, Philippines — Handa na ba ang Pili­pinas sa diborsyo? Ito ang tanong ng maraming Pilipino ngayon sa gitna ng maiinit na diskusyon tungkol dito.

Pero bago maisabatas, ano nga ba ang diborsyo?

Sa ilalim ng hindi mabilang na consolidated bills sa Kamara, tinutukoy ang absolute divorce bilang pinal na paghihiwalay sa pagitan ng mag-asawa kung saan sila ay magiging single muli at maaaring magpakasal kung ilang beses nilang gustuhin.

Noong unang linggo ng Marso ay inaprubahan na ng House Committee on Population and Family Relations ang panukalang absolute divorce at dissolution of marriage sa Pilipinas at inaasahang ipapasa na ito bago mag-session break sa Marso 21.

Si House Speaker Pantaleon Alvarez ang pangunahing may-akda ng panukala at si Albay Rep. Edcel Lagman ang chairman ng Technical Working Group (TWG) na nag-consolidate sa apat na panukala sa divorce at dissolution of marriage.

Para kay Lagman, ang nasabing panukala ay magbibigay ng “mercy at li­beration” sa mga problemadong buhay mag-asawa kung saan ang physical violence ay ikinokonsidera na isa sa ground para sa divorce.

Bukod dito, para mapadali ang proseso ng paghihiwalay ay isinusulong nila ang hindi magastos na diborsiyo kung saan ang petitioners o litigants ay bibigyan ng oportunidad para maghain nito kahit hindi nagbabayad ng litigation fee.

Sa ilalim din ng panukala magtatalaga ang korte ng abogado, social workers, psychologists at psychiatrists para umasiste sa mga petitioners na walang pinansiyal na kakayahan.

Ayon pa kay Lagman, ang mga grounds para sa absolute divorce ay kabilang na rin sa umiiral na grounds sa legal separation, annulment partikular na rito ang psychological incapacity gayundin ang irreconcilable marital differences, gender re-assignment sa pamamagitan ng surgey o transition.

Isiningit din sa panukalang House bills 1062 at 2380 na inihain nina Surigao del Norte Rep. Ace Barbers at Gabriela Rep. Arlene Brosas ang ground na limang taon ng hiwalay ang mag-asawa nang panahon na ihain ang petition for divorce.

Mayroon din mandatory cooling-off period na anim na buwan matapos na ihain ang petition at kung saan aktuwal na nagsimula ang kaso, ito ay para bigyan pa ng pagkakataon ang mag-asawa na magkaayos o mag­kabalikan. 

Pagmumultahin naman ang mag-asawa na guilty sa collusion ng halagang P200,000 at limang taong pagkakakulong.

Nilinaw naman ni Lagman na ang nasabing panukala ay pumapabor sa mga kababaihan dahil karamihan ay mga babae ang gustong makipaghiwalay mula sa mapang-abuso nilang relasyon at para maibalik ang kanilang dignidad at self-esteem.

Itinatakda rin sa panukala ang pangangalaga sa kustodiya ng mga anak ng mag-asawa, proteksyon sa kanilang legitimacy, termination and liquidation ng conjugal partnership of gains or ang absolute community at ang alimony o sustento para sa innocent spouse.

Ang Pilipinas at Vatican na lamang sa buong mundo ang walang batas sa diborsyo. 

Base naman sa pina­kahuling survey ng Social Weather Station (SWS) noong 2015, tatlo sa kada limang Filipino o 60 porsiyento nito ang pabor sa divorce. Subalit ano nga ba ang saloobin ng ilan nating mga kababayan sa nasabing panukala.

Para kay Myran Lanuza, 34 isang OFW sa Abu Dhabi, pabor siya sa diborsiyo dahil kung hindi rin lang magkakasundo at laging nagkakasakitan ang mag-asawa bakit pa sila magsasama.

“Major decision in life ang pag-aasawa, pag mahal mo ang isang tao lawakan mo ang pang-unawa at haba ng pasensiya ang kailangan kaya nga love sacrifices. Kasama sa buhay ang trials at problema sa lahat ng relasyon, diyan natututo at tumatatag basta patuloy lang ang panala­ngin,” ayon naman kay Eliza Espiritu, 40, Candaleria, Quezon at single na hindi pabor sa diborsiyo dahil una, ito ay magastos.

Pabor naman si Zaira Baliwag ng Caloocan City at sa tingin niya handa na ang mga Pinoy dito lalo na ang mga kababaihan dahil sila ang mga kawawa sa failed marriage. 

Undecided naman si Mhay Perez ng Makati City. Pero kung ang pagbabasehan ay mga babaeng sinasaktan at inaabuso ay pabor siya, subalit pagdating sa mga anak na maapektuhan ng paghihihiwalay ng mag-asawa ay hindi siya pabor dito.

Undecided din si Gemma Almiranez, ng Lucena City. Anya, kahit naman walang ganitong batas ay naghihiwalay ng kusa ang mag-asawa subalit na­ngangamba siya na kapag tuluyan itong naisabatas ay matulad ang mga Filipino sa Hollywood stars na kapag nagkasawaan sa kanilang mga partners ay nagdidiborsiyo agad.

Subalit para kay Buhay partylist Rep. Lito Atienza, na kilalang pro-life advocate at hayagan ang pagtutol sa divorce bill, hindi solusyon sa mag-aasawa na lagi nag-aaway ang nasabing panukala na siyang idinadahilan ng mga nagsusulong ng panukala.

Ayon kay Atienza, 52 taon na silang mag-asawa ng kanyang misis na si Beng, at napakarami na nilang pinagdaanan na away subalit kahit kailan ay hindi niya naisip ang divorce at iwan ang kanilang mga anak.

Sa halip na isulong ang panukalang Diborsiyo ang dapat umano ay palakasin ng gobyerno ang mga batas na may kinalaman sa pamil­ya at pakilusin ang mga opisina na may kinalaman sa mag-asawa, hanapbuhay at ekonomiya dahil kabilang umano ito sa maraming problema na gumugulo sa pagsasama ng mag-asawa.

Paniwala pa ng kongresista, makakasira sa pamilya at sa bansa ang panukala. Kaya nahaharap umano ng mga Filipino ang mga pagsubok sa buhay at sa bansa ay dahil sa pamilya.

Nangako naman siya na sa sandaling isalang sa plenaryo ng Kamara ang divorce bill para sa debate ay haharangin niya ito sa pamamagitan ng open discussion.

vuukle comment

PSN32ANNIV2018

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with