Roxas, Tinio nagkainitan sa hearing
Butch Quejada, Gemma Garcia, Joy Cantos (Pilipino Star Ngayon) - August 28, 2014 - 12:00am

MANILA, Philippines - Nagkasagutan sa gitna ng budget hearing sa Kamara sina Interior and Local Government Sec. Mar Roxas at ACT party­list Rep. Antonio Tinio.

Ito’y matapos mapikon si Roxas nang tanungin ni Tinio kung bakit tumaas ng P5 milyon ang Maintenance and Other Opera­ting Expenses (MOOE) ng DILG kasama ang mga proyekto para sa Local Government Units (LGUs).

Inungkat din ni Ti­nio kung ano ang other projects para sa mga lokal na pamahalaan na nakasaad sa DILG  budget.

Sinikap ni Roxas na kumalma sa pagsagot kay Tinio subalit hindi naitago ng kalihim ang pagkapikon sa kanyang mga sagot at pinagsabihan nito ang kongresista na huwag lagyan ng malisya ang wala namang malisya.

Sarkastiko pang sinabihan nito si Tinio na kung gusto nito ay ito na ang magtakda kung aling mga lugar ang dapat bigyan ng alokasyon at kung anong mga proyekto ang dapat na ibigay sa mga ito.

Subalit pwede din naman umano na kung gusto ni Tinio ay tapyasan ang pondo na gusto nitong alisin sa DILG.

Hindi rin umano hiningi ng DILG ang anumang karagdagang budget at ang maging taga coordinate ng mga proyekto para sa LGUs kundi ito ay naia­atas lamang sa kanilang kagawaran.

Kasabay nito nilinaw din ni Roxas na walang kulay pulitika ang grassroots participatory process (GPP) na matagal nang pinagdududahan ng mga kritiko ng administrasyon.

Umaabot sa P104.571 bilyong pondo ang panukalang 2015 budget na iprinisinta ni Roxas sa House Committee on Appropriations na mas malaki kung ikukumpara sa budget sa taong 2014.

Tiniyak naman ni Ro­xas na walang pork barrel at malinis ang panukala sa gitna na rin ng akusasyon ng mga kongresista na tadtad ng pork barrel na umano’y gagamitin sa ‘campaign fund’ ng kalihim sa pagtakbo nito sa 2016 ang nakapaloob na panukalang budget ng ahensya.

ANTONIO TINIO HOUSE COMMITTEE INTERIOR AND LOCAL GOVERNMENT SEC KUNG LOCAL GOVERNMENT UNITS MAINTENANCE AND OTHER OPERA ROXAS TINIO
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with