Higit 20K dose ng bakuna inaasahang darating
LUCBAN, Quezon, Philippines — Humigit kumulang na 20,000 dose ng bakuna kontra COVID-19 mula sa Department of Health (DOH) ang inaasahang darating ngayong linggo sa bayang ito.
Ayon kay Mayor Olivier Dator, magpapadala ang pamahalaang nasyonal ng mga bakunang gawa ng Sinovac, Moderna, at Pfizer upang ipamahagi sa mas marami pang residente sa mga susunod na araw.
Kaugnay nito ay sinimulan na ang registration para sa mga residente na nais magpabakuna.
Dahil mas maraming residente ang inaasahang magpapabakuna, binuksan na rin ng lokal na pamahalaan ang PEL Covered Court bilang karagdagang mega vaccination site sa kanilang bayan.
Patuloy naman ang bakunahan sa mga fixed vaccination site sa Southern Luzon State University, at Rural Health Unit. Umiikot na rin ang Vaccination Karaban ni Oli sa mga Barangay upang mailapit ang mga bakuna sa mas maraming residente.
Siniguro ng alkalde na sisikapin nilang sabay-sabay na makapagbakuna sa lahat ng kanilang vaccination site upang mapabilis ang usad ng vaccination program sa kanilang bayan
- Latest