Zombie Family (329)
ISANG barko itong lumubog mahigit tatlong daang taon na.
Buo pa at kahit ang mga yaman at gamit, intact pa rin.
Nandirito si Leilani.
Buo, hindi gutay-gutay.
Wala ang kanyang mga pakpak.
Napakaganda, taong-tao.
Pero taong nakakahinga sa ilalim ng tubig.
“Nikolai!”
Nagising si Nikolai, natutulog siya kanina sa isang napakaantigong kama na kasamang lumubog sa barko.
Hindi patay si Nikolai, nakakahinga rin sa ilalim ng dagat.
Makisig pero walang buhay ang kanyang mga mata.
Ibig sabihin, nakabukas pero parang walang nakikita.
Nakakarinig siya pero kung ano lang ang nagmumula sa bibig ni Leilani.
“Mahal, dito tayo sa veranda ng barko.”
Sumunod si Nikolai, parang isang humihigop na kapangyarihan sa kanya ang boses ni Leilani.
Umupo sila sa antigong sofa na nakaharap sa veranda ng barko.
“Nikolai, pinatay nila ako, nagkabutas-butas ang katawan ko pero nang bumagsak ako sa dagat, nabuo ako. At naging ganito kaganda. Ikaw naman, tao ka pa rin. Humihinga, nakakarinig ng boses ko at nakakapagsalita paminsan-minsan.”
“Leilani …” Tanging nasabi ni Nikolai.
“Oo, Nikolai. Ito na ang mundo natin. Aywan ko kung bakit nagkakaganito tayo at nandirito tayo. May naglalaro sa atin pero gusto ko ang laro niya. Hindi ako magku-complain. Hindi ko na gugustuhing umalis sa bahagi na ito ng dagat. Dahil dito, perpekto ang mundo ko! Maganda, buhay na buhay at kasama ka. Nikolai … ang gusto ko, sasabihing mong I love you, Leilani.”
Agad sumunod si Nikolai. “I love you, Leilani.”
Kumunot ang noo ni Leilani, hindi nagustuhan ang pagkasabi ni Nikolai.
“Tumitig ka sa akin habang sinasabi mo ‘yon. Gusto ko, may romantic mode tayo, Nikolai. Perpekto rin ang mundo mo rito, hindi ba? May kasama kang napakaganda, napakakinis, napakabango. Kabaligtaran ng dating Leilani, may pangit na mga pakpak, butas-butas at nabubulok, mabaho pa sa imburnal. So Nikolai, dapat maligaya ka at puro pag-ibig ang nasa puso mo.”
Narinig lahat iyon ni Nikolai kaya ang tanging sagot. “Oo, Leilani. Tama ka.”
Itutuloy
- Latest