Multong Bahay (63)
NAWAWALAN na ng pag-asa ang multong buhay. Nauubos na ang kanyang boses sa kasisigaw ng malakas pero wala pa ring sumasagot.
Kumukulog at kumidlat.
Pero ano ba ang ibig sabihin nito?
Galit uli siyang sumigaw.
“Iyan lang ba ang kaya mo? Hanggang diyan ka lang ba?”
Lalong lumakas ang mga kulog at kidlat.
“Kung hanggang diyan rin lang, hindi na ako sasamba sa iyooo! Talo ka!”
Saka lumindol. Buong bundok ay umuuga.
Nakadama ng takot ang multong buhay.
“Ano ang nangyayari? Lindol? Kulog, kidlat at ngayon lindol! B-baka nga nagpaparamdam ka na sa akin!”
Pero naisip niya ano naman ang mapapala niya sa mga delubyong ito? Hindi niya ito magagamit ng personal. Hindi niya mapipili kung sino ang mapapatay niya, masasaktan o matatakot.
Hindi siya makapangyarihan sa ganitong paraan.
NANG umuwi si Agyana sa bahay ng mga magulang ng multong buhay, pormal siyang lumapit sa mga magulang na masayang nanonood ng tv.
“Inay, Itay … may sasabihin ho sana ako sa inyo. Pero pagkatapos na ng inyong pinapanood.”
“Naku, anak … pwede namang tumigil muna kami sa panonood. Basta ikaw ang may sasabihin siyempre ikaw ang uunahin.”
“Ganoon ? Salamat ho at damang-dama ko na mahal ninyo ako.”
“Anak, kami ang dapat magpasalamat. Dahil hindi nga namin maintindihan, e. Bigla ka na lang nagbago, isang pagbabagong puwede naming ituring na milagro. Na talagang napakasuwerte namin na makatikim ng iyong kabaitan na akala namin noon ay talagang hindi na mangyayari kailanman.”
“Oo nga, Agyana. Alam mo ba sabi ng mga kapitbahay natin aba’y napakasuwerte raw namin sa iyo. Pati sila ay hangang-hanga na sa iyong kabaitan, anak.”
Huminga muna ng malalim si Agyana saka itinuloy na ang pasyang pagtatapat. “Inay, Itay … ako po ay isang kaluluwang nanggaling sa purgatoryo, malinis na po ako, nang ako ay pumasok sa katawan ng inyong anak.”
Itutuloy
- Latest